MANILA, Philippines – Kailangang maghanda ang mga motorista sa panibagong taas-presyo ng langis sa susunod na linggo, na inaasahang aabot hanggang P15 kada litro ang diesel at hanggang P12 kada litro ang gasolina.
Sinabi ng mga industry sources na maaaring tumaas ang diesel ng P13 hanggang P15 kada litro, gasolina ng P10 hanggang P12, at kerosene ng P6 batay sa presyo sa pandaigdigang merkado nitong nakaraang dalawang araw. Maaaring magbago pa ang presyo depende sa galaw ng merkado.
Ang mga pagtaas ng presyo ngayong linggo ay ipinatupad nang paunti-unti. Sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng magpatuloy ang malaking pagtaas sa susunod na linggo ngunit hindi nito maibigay ang eksaktong pagtataya ng presyo. Pinayuhan din ng DOE ang publiko na huwag mag-panic buy dahil sapat ang suplay sa bansa.
Hinihikayat ng DOE ang publiko na i-report ang overpricing sa kanilang website, dahil hindi nila kayang bantayan ang lahat ng 14,000 gasolinahan sa buong bansa. Dave Baluyot