MANILA, Philippines – Sinuspinde ang face-to-face classes sa St. John’s Institute (SJI) sa Bacolod City nitong Huwebes ng umaga matapos makatanggap ng text message na nagbanta ng mass shooting.
Ayon sa mensahe, pinagmumura nito ang paaralan at sinabing magdadala siya ng baril upang isagawa ang mass shooting. Nagbanta rin ang sender na ito na ang huling araw na makikita ng mga magulang ang kanilang mga anak, dahilan umano ng kanyang pagkadismaya sa buong araw na face-to-face classes.
Hindi na pinayagang pumasok ang mga estudyanteng papunta pa lamang ng paaralan, at agad namang sinundo ng mga magulang ang mga nasa campus. Bilang tugon, nag-shift sa online classes ang SJI sa araw na iyon.
Ayon kay Maj. Eugene Tolentino, hepe ng Police Station 2, isa sa mga posibleng motibo na iniimbestigahan ay galit ang sender sa tumataas na presyo ng gasolina at krudo. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang nagpadala ng mensahe.
Matapos ang inspeksyon, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ligtas ang loob ng paaralan at may nakatalagang mga pulis sa loob at labas bilang pag-iingat. Mary Anne Sapico