Home METRO Biker todas sa pamamaril sa road rage incident

Biker todas sa pamamaril sa road rage incident

MANILA, Philippines- Patay sa pamamaril ang isang siklista sa kasagsagan ng pakikipagtalo sa isang e-trike driver sa Rodriguez, Rizal nitong Lunes.

Sa dash cam footage, makikitang hawak ng suspek ang baril at nakatutok ito sa biktima, si Toto Garcia, habang hinahabol nito ang suspek gamit ang tubo.

Makikita sa footage na binaril ng suspek ang biktima, subalit nahampas pa ni Garcia ang suspek gamit ang tubo.

Makalipas ang ilang minuto, nakatayo agad ang suspek at agad na tumakas sa pinangyarihan ng insidente, kung saan naiwan si Garcia na nakahandusay sa gilid ng kalsada.

Bago ang insidente, makikita sa CCTV footage na nagalit si Garcia nang unahan siya ng isang e-trike driver habang nakasakay sa kanyang bisikleta, dahilan upang komprontahin niya ang e-trike driver na kapatid ng suspek.

Nauwi ito sa away sa pagitan ng dalawa. Gamit ang dos por dos, hinambalos umano ng biktima ang E-trike driver na armado ng tubo. Dahil dito, naghiganti ang pamilya ng suspek at pinagtulungan ang biktima.

Nakapaghain pa umano ng reklamo ang biktima sa barangay, subalit pag-uwi niya, hinihintay na siya ng pamilya ng E-trike driver at gumamit ng tirador, kung saan nasapul din ang pamilya ng biktima.

Dahil dito, hinabol ng biktima ang suspek, na nagresulta sa pagbaril sa kanya nito.

Idineklarang dead on arrival ang biktima.

Samantala, sinabi ng ama ng suspek na gumamit sila ng tirador dahil ang kanyang anak, ang E-trike driver, ay nasaktan sa dos por dos. Subalit, wala umano itong ideya kung bakit may baril ang kanyang anak.

Nakikipag-ugnayan na umano sila sa mga pulis sa pagsuko ng suspek, habang hindi pa naglalabas ng pahayag ang mga awtoridad habang gumugulong pa ang imbestigasyon. RNT/SA