Home METRO 13 magsasaka sugatan sa salpukan ng bus, ‘kuliglig’

13 magsasaka sugatan sa salpukan ng bus, ‘kuliglig’

ROXAS, Isabela – Nasa kritikal na kalagayan dahil sa mga tinamong sugat ang 13 magsasaka matapos mabangga ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang kuliglig sa kahabaan ng National Highway na bahagi ng Roxas, Isabela.

Kinilala ang mga biktima na sina Alfredo Altura, Jodel Tagalisma, Rico Darwin, Edwin Obina, Rachelle Buscas, Mitch Valdez, Oscar Tagalisma, Vincent Antonio, Angelica Agustin, Renator Buscas, Ryan Jay Pareñas, Johnson Bisena at isang menor-de-edad na pawang mga residente ng San Manuel, Isabela.

Parehong binabagtas ng Hand Tractor at pampasaherong bus ang National Highway patungong lalawigan ng Kalinga.

Mabilis umano ang patakbo ng bus at dahil sa walang ilaw at reflectorized ang kuliglig ay hindi ito napansin ng bus dahilan kaya’t nabangga ito.

Nagtamo ng malubhang sugat sa kawatan ang mga biktima at agad namang naisugod sa pagamutan ngunit tatlo sa mga ito ang nakatakdang ilipat sa mas malaking ospital sa lungsod ng Tuguegarao.

Mapalad namang hindi nasaktan ang driver at mga pasahero ng nakabanggang bus.

Napag-alaman na makikitanim lang sana ng palay ang mga biktima sa Kalinga nang mangyari ang insidente.

Pansamantalang nasa kustodiya na ng Roxas Police Station ang tsuper ng bus kung saan inihahanda na ang kasong isasampa. Rey Velasco