Home NATIONWIDE Parusa sa mga dayuhang espiya sa PH, itinulak ni Tol

Parusa sa mga dayuhang espiya sa PH, itinulak ni Tol

MANILA, Philippines- Kasunod ng mga insidente kamakailan na posibleng paniniktik sa Pilipinas, inihain ni Senador Francis N. Tolentino ang panukalang batas na nagtatakda ng mga parusa sa panghihinmasok ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Layon ng isinulong na Senate Bill 2951 ni Tolentino na i-update ang lumang legal na balangkas noong 1979 na kumokontrol sa gawain ng foreign agents sa bansa.

Ito’y matapos ikabahala ng gobyerno ang potensyal na pag-espiya o panghihimasok ng mga dayuhan sa usaping pulitika at pamahalaan ng Pilipinas na nagbunsod ng mas malalim na pagsusuri sa mga taktika at layuning ginagamit ng ilang masasamang aktor ng estado.

“Ang mga aktor na ito ay pumapasok sa mga pangunahing bahagi ng burukrasya, media at kritikal na mga imprastraktura, sa gayon ay nagbabanta sa pambansang seguridad, katatagan ng pulitika, at soberanya ng bansa,” nilalaman ng panukalang batas.ni Tolentino.

“Sa pangkalahatan, binibigyang-diin ng iminungkahing batas na kahit na ang pagpaplano ng panghihimasok ng dayuhan ay maaaring magkaroon ng mga parusa, sa gayon ay nagpapatibay sa pangako ng pamahalaan na protektahan ang mga demokratikong proseso mula sa panlabas na impluwensya,” dagdag niya.

Sinabi niya na ang panukalang batas ay naglalayong parusahan ang “iba’t ibang paraan kung saan maaaring makialam ang mga dayuhang ahente at entidad sa mga prosesong pampulitika at pamahalaan ng Pilipinas.”

Gayundin, ang panukalang batas ay sumasaklaw sa mapaminsalang electronic communications at nag-uutos sa internet service provider (ISP) na harangin ang pag-access ng mga elektronikong komunikasyon na “nakakasira sa pambansang seguridad at kaligtasan ng publiko.

Sa ilalim rin ng panukala, isang Counter Foreign Interference Council (CFIC) ay dapat likhain na pamumunuan ng Executive Secretary.

Kasama sa mga miyembro ng CFIC ang National Security Adviser bilang vice chairperson; at ang mga kalihim ng Justice, Foreign Affairs, Interior, National Defense, Information and Communications Technology, at Anti-Money Laundering Council Secretariat. Ang National Intelligence Coordinating Agency ay dapat na kalihim ng CFIC.

Ang mandato ng CFIC ay mag-isyu ng Access Blocking Order sa ISP na “gumawa ng mga makatwirang hakbang” upang harangin ang pag-access ng mga user na nakabase sa Pilipinas sa isang online publication na ang nilalaman ay maaaring makapinsala sa pambansa o pampublikong seguridad, pahinain ang tiwala ng publiko sa mga awtoridad – o makaimpluwensya sa resulta ng halalan.

Ang isang ISP na hindi susunod sa access blocking order ay pagmumultahin ng P1 milyon para sa bawat araw na hindi ito ganap na makasunod. Ang maximum penalty para dito ay P500 milyon.

Samantala, sinumang mapatunayang nagkasala ng panghihimasok ng mga dayuhan – kabilang ang mga kinasasangkutan ng mga foreign intelligence agencies at electronic communications – at pagsasabwatan na gumawa ng foreign interference, mahaharap sa habambuhay na pagkakakulong at multang P5 hanggang P10 milyon.

Ang sinumang mapatunayang magkasala sa pagtulong o pagprotekta sa mga dayuhang nanghihimasok ay maaaring maharap sa 12 taon na pagkakakulong at multang P2 hanggang 5 milyon.

Kung ang nagkasala ay opisyal o empleyado ng gobyerno, haharapin niya ang pinakamataas na parusa at pagbabawalang humawak ng anumang pampublikong opisina o posisyon. RNT