Home METRO Biktima ng trafficking, escort naharang sa Davao airport

Biktima ng trafficking, escort naharang sa Davao airport

MANILA, Philippines – NASAGIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Davao International Airport ang isang babaeng biktima matapos tangkaing i-escort ng isang lalaking trafficker patungo sa labas ng bansa.

Nailigtas ang biktimang si alyas Nina sa nasabing paliparan sa Davao matapos tangkaing sumakay ng Scoot Airlines flight papuntang Singapore nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa BI, inamin ni alyas Nina na bibiyahe siya sa Singapore bilang isang turista kasama ang kanyang amo, ngunit kalaunan ay inamin na siya ay na-recruit para magtrabaho bilang isang household service worker sa United Arab Emirates.

Ayon sa biktima, ibinilin ng kanyan kasamang lalaki na sabihin na siya ay maglalakbay sa ibang bansa bilang kanyang personal na kasambahay para sa isang maikling bakasyon.

Sa isinagawnag beripikasyon sa lalaki, napag-alaman na dati siyang nag-sponsor ng biyahe kasama ang ibang babae, na nabigong bumalik sa kanyang idineklara na petsa. Inamin din nito na dati siyang nag-escort sa isa pang babaeng biktima, na umalis papuntang Singapore ngunit lumipat sa Thailand.

Ayon sa immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, hinala nila na ang lalaki ay nagre-recruit ng mga Filipino para magtrabaho sa Middle East ngunit iniiwan ang kanyang mga biktima.

Nagbabala naman si BI Commissioner Norman Tansingco sa publiko laban sa nasabing modus, at sinabing nagiging hamon ang rescue o repatriation kapag walang record ang gobyerno ng Pilipinas sa kinaroroonan ng isang manggagawa.

“These traffickers dupe victims into agreeing to such schemes, only to leave them penniless in the middle of an unfamiliar foreign country,” ani Tansingco. “Aspiring workers should never ever agree to such arrangements,” dagdag pa nito.

Nabatid sa BI na kapwa ang biktima at ang escort ay ibinalik sa interagency council against trafficking. Nahaharap naman sa kasong human trafficking ang lalaking escort dahil sa insidente.

“We thank the IACAT for actively pursuing cases against these traffickers,” ani Tansingco. “It makes our job meaningful because we know that these escorts are finally put behind bars,” ayon pa sa opisyal. JAY Reyes