MANILA, Philippines – Dineport na ang nasa 166 na Chinese citizen na umano’y ilegal na nagtrabaho sa isang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac nitong Martes, Mayo 14.
Napag-alaman na ang mga na-deport na dayuhan ay mga manggagawa ng Zun Yuan Technology Incorporated na ni-raid ng mga awtoridad dalawang buwan na ang nakararaan.
Ang mga naarestong POGO worker ay pinosasan ng mga plastic wire habang patungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 para sa kanilang deportasyon sa Shanghai, China.
Sila ang ikatlong batch ng mga manggagawa ng POGO mula sa Bamban na ipinatapon dahil sa pag-uuri ng mga awtoridad ng Pilipinas bilang “undesirable aliens,” undocumented, at overstaying.
Mayroon na lamang 50 Chinese POGO workers mula sa Bamban ang hindi pa nade-deport.
Sinabi ng PAOCC na nagboluntaryo ang China na balikatin sa pagkakataong ito ang pagpapa-deport ng kanilang mga mamamayan na sangkot sa iba’t ibang scam.
Kasalukuyang binabantayan ng PAOCC ang iba pang POGO hubs sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon. RNT