Home NATIONWIDE 8,000 NCRPO cops ipakakalat sa Labor Day protests

8,000 NCRPO cops ipakakalat sa Labor Day protests

MANILA, Philippines – UPANG mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng pamamayanan kasabay nang pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa, magtatalaga ang National Capital Region Police Office ng 8,000 pulis sa Metro Manila ngayong Mayo 1.

Sa panayam kay PMGen Jose Melencio C. Nartatez, Jr. sa ginanap na Monday Flag Raising and Awarding Ceremonies, sinabi niya na matagal nang nakahanda ang NCRPO para sa rally na gagawin ng mga manggagawa ngayong “Labor Day.”

Ayon kay Nartatez, paiigtingin ng NCRPO ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa rally dahil hindi lang naman ito kilos protesta ng mga manggagawa subalit sinabayan ng rally ng transport groups na binubuo ng mga driver at operatoras na humaharang sa consolidation na nais ipatupad ng Department of Transportation.

Kaya naman, anang regional director ng NCRPO, magde-deploy ang kanyang tanggapan ng 8,000 pulis sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kung saan gaganapin ang mga protesta ng mga manggagawa at transport group.

Sinabi ni Nartatez na kapayapaan ang pangingibabawin ng mga pulis sa pagpapatupad ng tungkulin at papayagan ng NCRPO na magrally ang mga ito bagaman walang permit kung gagawin sa mga lugar kung saan hinahayaan ang mga ito na magsagawa ng maayos na kilos protesta tulad ng Liwasang Bonifacio sa Maynila at Freedom Park sa Quezon City Memorial Circle.

Giit pa ng nasabing opisyal, kasama ng NCRPO ang Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Metro Manila Development Authority sa pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan sa kilos protestang magaganap sa Mayo Uno.

Idinagdag pa ng RD, NCRPO na sakaling magsagawa ng kilos protesta ang mga ralyista sa mga lugar na nangangailangan ng permit at wala silang kinuha mula sa local government units, doon kikilos ang mga pulis na buwagin sila sa matahimik na paraan tulad nang pakikiusap sa mga lider nito na kusang lisanin ang lugar nang walang gulo o dispersal na magaganap. Lea Botones