Home NATIONWIDE Bilang ng child laborers bumaba noong 2022

Bilang ng child laborers bumaba noong 2022

MANILA, Philippiens – Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), kasama ang National Council Against Child Labor (NCACL) na bumaba ang bilang ng child laborer sa bansa noong 2022, kasabay sa pagpapaigting ng kampanya laban sa child labor ahensya.

Sa Special Release on Working Children Situation, na inilathala ng Philippine Statistics Authority noong 25 Hulyo 2023, 828,000 bata ang nasangkot sa child labor noong 2022, 56% ng 1.48 milyon batang nagtatrabaho.

Mas mababa ito kumpara sa bilang ng child laborer noong 2021 na 935,000. Habang ang bilang ng mga batang nagtatrabaho noong 2022 ay mas mataas kaysa sa 1.37 milyong mga batang nagtatrabaho noong 2021, bumaba naman ang porsyento ng mga child laborer noong 2022.

Ang pinakababang edad sa ilalim ng umiiral na batas ay 15 na maaring makapagtrabaho sa bansa.

Dahil dito, ang mga kabataang nasa 15 hanggang 18 taong gulang ay legal na pinapayagang magtrabaho sa kondisyon na ang kanilang trabaho ay hindi dapat makagambala sa kanilang pag-aaral.

Ang child labor ay anumang trabaho o pang-ekonomiyang aktibidad na maituturing na pagsasamantala sa isang bata o nakakapinsala sa kanyang kalusugan at kaligtasan, pisikal, mental, o psychosocial na pag-unlad.

“Ipinapakita ng pagbaba sa bilang ng mga child laborer ang patuloy na suporta at pagsisikap ng Kagawaran at ng mga social partners nito na pigilin at wakasan ang child labor sa bansa. Hindi tayo titigil hangga’t hindi nawawala ang bilang ng mga child laborers na ating target sa ilalim ng Chapter 3 ng Philippine Development Plan 2023-2028,” pahayag ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma.

Nagunguna pa rin ang sektor ng agrikultura sa may pinakamaraming bilang ng child laborer at ang Rehiyon 12 na may pinakamataas na insidente ng child labor.

Bukod sa patuloy na pagsusulong ng mga kampanya laban sa child labor, inaprubahan ng NCACL noong Marso 2023, sa pamumuno ng DOLE, ang Philippine Program Against Child Labor (PPACL) Strategic Framework na sumasaklaw sa taong 2023-2028.

Para sa 2023, binabantayan ng DOLE Regional Offices ang kalagayan ng mga na-profile na child laborers sa pamamagitan ng pagsasagawa ng field visits upang subaybayan ang kanilang pag-unlad at mabilis na maialis sila mula sa child labor. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)