Home NATIONWIDE Bilang ng kasama ng mga kandidato sa paghahain ng COC lilimitahan

Bilang ng kasama ng mga kandidato sa paghahain ng COC lilimitahan

MANILA, Philippines- Nakatakdang limitahan ng Commission on Elections (Comelec) ang bilang ng mga kasama ng aspirants sa susunod na midterm elections.

Batay sa Resolution No. 11045 na isinapubliko noong Biyernes, papayagan ng poll body ang tatlo hanggang apat na kasama ng mga kandidatong tumatakbo para sa pambansa at lokal na mga pwesto sa panahon ng paghahain ng certificates of candidacy (COCs) sa Oktubre 1 hanggang 8.

Sinabi ng poll body na ang panukala ay naglalayong maiwasan ang pagsisikip sa mga lugar ng paghahain ng COC.

“Aspirants for any elective office or their authorized representatives shall be allowed to be accompanied by a maximum of three persons during the filing of COC, while an aspirant for the position of senator may be accompanied by a maximum of four persons,” ayon sa Comelec.

Kasabay nito, sinabi ng Comelec na kailangang maghain ng COC at Certificate of Acceptance of Nomination (CON-CAN) ang mga tumatakbo para sa senatorial posts at party-list sa Law Department sa Intramuros, Manila o sa ibang lugar na maaaring italaga ng Commission En Banc.

Para sa mga kandidato sa mga lokal na posisyon tulad ng gobernador, bise gobernador, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (Provincial Board), kinakailangan nilang maghain ng kanilang COC sa kani-kanilang Offices of the Provincial Election Officer (OPES).

Ang mga Office of the Election Officers (OEOs) ay tatanggap ng mga COC para sa mga kandidato para sa mga alkalde, bise alkalde, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod o Bayan (konseho ng lungsod o bayan).

Para sa mga naghahangad na mahalal bilang miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, dapat silang maghain ng kanilang mga COC sa Office of the Regional Election Director (ORED), OPES o OEOs.

Sa kabilang banda, muling iginiit ng poll body na ang bawat party-list ay kailangang mag-nominate ng 10 indibidwal, kung saan pipiliin ang mga kinatawan kung sakaling makuha nito ang kinakailangang bilang ng mga boto.

“Nomination of less than 10 nominees shall not be accepted and shall not be given due course by the Commission,” sabi ng komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden