Home NATIONWIDE Bilang ng mga pasahero sa Clark Airport lumobo ng 20% noong 2024

Bilang ng mga pasahero sa Clark Airport lumobo ng 20% noong 2024

MANILA, Philippines – Nakapagtala ng paglobo sa bilang ng mga pasahero ang Clark International Airport sa nakalipas na taon.

Sa pahayag, sinabi ng Clark International Airport na mayroong 2.4 milyong pasahero ang dumaan sa paliparan noong 2024 o 20% na paglago.

Dahil dito ay naabot ng Clark Airport ang target nitong 2.4 milyon hanggang 2.7 milyong passenger volume para sa naturang taon.

Tumaas din ng 29% ang bilang ng mga flight na pinangasiwaan ng paliparan, o 19,221 noong nakaraang taon.

Higit kalahati rito ay may international destinations, kabilang ang mga rutang patungo sa Incheon, Narita, Singapore, Bangkok, Dubai at Taipei.

“These numbers are more than just statistics; they represent the dedication of everyone involved in making [Clark airport] a valuable gateway to the Philippines,” ayon kay Noel Manankil, CEO ng Clark airport operator Luzon International Premiere Airport Development Corp.

Mas marami ring airlines ang tinanggap ng Clark Airport, kabilang ang Aero-K, Sunlight Air, Air Busan, Hong Kong Express, Starlux at EVA Air.

Pinalawak din ng local airlines ang kanilang operasyon sa Clark hub, para sa mga rutang patungo sa Davao, General Santos, Iloilo at Puerto Princesa. RNT/JGC