MANILA, Philippines – Umabot na sa 26 ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at ng habagat, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PNP, 25 sibilyan at isang pulis ang namatay sa mga insidenteng may kaugnayan sa masamang panahon hanggang Martes ng hapon.
Sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ililipat na ng pulisya ang pokus nito mula search and rescue patungo sa post-disaster recovery.
Aniya, “Our responsibility does not end with search and rescue operations. We will remain engaged in the recovery phase by maintaining security, supporting relief efforts, and helping communities recover from the effects of the disaster.”
Dagdag pa niya, “The PNP will continue to work closely with local governments and other agencies to restore peace and order, secure affected communities, assist in relief and recovery operations, and ensure that our people can safely return to their homes.”
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense (OCD), 21 nasawi pa lamang ang kasalukuyang nabeberipika: 15 sa Benguet, 3 sa Rizal, at 3 sa Batangas.
Sa Benguet, 10 ang namatay sa Baguio City, 3 sa Atok, at 2 sa La Trinidad, pawang dahil sa pagguho ng lupa.
Sa Rizal, dalawa ang namatay sa landslide sa Rodriguez at isa ang tinamaan ng natumbang puno sa Antipolo.
Sa Batangas, isa ang nalunod sa Batangas City, isa ang nakuryente sa Lipa, at isa ang namatay dahil sa landslide sa Santa Teresita. May isa pang nawawala sa Batangas at 14 ang nasugatan.
Apektado ng Luis, Maymay, at habagat ang 3,148,255 katao o 909,133 pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila, at MIMAROPA.
Sa mga apektado, 80,442 katao o 22,893 pamilya ang nananatili sa 881 evacuation centers.
Umabot sa 972 bahay ang napinsala, kung saan 904 ang bahagyang nasira at 68 ang tuluyang nawasak.
Tinatayang P2.109 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang P196.85 milyon ang pinsala sa agrikultura.
Ayon sa OCD, P342.1 milyon na ang naipamahaging tulong ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad. RNT/MDS