MANILA, Philippines – Umakyat na sa 61 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, patuloy pa ang beripikasyon ng mga pangalan ng mga nasawi ngunit kumpirmado na ang bilang ng mga katawan na narekober.
Bumaba naman sa 33 ang bilang ng mga nawawala mula sa dating 40, habang umabot na sa 1,221 ang bilang ng mga sugatan. Kabilang sa bilang ng mga sugatan ang mga nagpakonsulta dahil sa pagkahilo at trauma, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Alejandro na karamihan sa mga nasawi ay biktima ng pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga debris. Marami sa mga namatay dahil sa debris ay mula sa General Santos City, habang ang mga nasawi sa landslide ay mula sa Jose Abad Santos at Sarangani Island sa Davao Occidental.
Patuloy pa rin ang search and rescue operations, lalo na sa Sarangani at Jose Abad Santos kung saan may mga nawawala pa. Hirap din umanong marating ang ilang lugar dahil sa mga landslide na sumira sa mga kalsada.
Nagkaroon din ng problema sa komunikasyon matapos maubusan ng gasolina ang ilang generator ng emergency telecommunications systems.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang operasyon sa Sarangani Island kabilang ang Balut Island, Jose Abad Santos, at Glan, Sarangani. Tinutustusan ng OCD ang mga apektadong lugar ng pagkain, tubig, tents, tarpaulin, water filtration units, at iba pang relief goods gamit ang mga eroplano, barko, helicopter, at sasakyang militar.
Nanatiling sarado sa commercial flights ang General Santos City Airport ngunit bukas ito para sa mga humanitarian at relief operations.
Ang magnitude 7.8 na lindol ay tumama sa karagatan malapit sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8. Umabot sa Intensity VII ang naramdaman sa General Santos City. Halos 4,000 aftershocks na rin ang naitala ng PHIVOLCS hanggang Biyernes. RNT/MND