Home NATIONWIDE Bilang ng nasawi sa paputok nadagdagan – DOH

Bilang ng nasawi sa paputok nadagdagan – DOH

MANILA, Philippines- Dahil sa matinding tama ng paputok dulot ng Kwitis, isang 54-anyos na lalaki mula sa Calabarzon ang namatay noong holiday season, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ng DOH na ang kumpirmadong namatay sa paputok ay nagtamo ng mga sugat sa kaliwang kamay.

Ang kwitis ay legal na paputok ngunit mapanganib pa rin at isa sa mga pangunahing dahilan ng firecrackers-related injuries sa bansa.

Sa ngayon, umabot na sa apat ang namatay dahil sa paputok ayon na rin sa kumpirmasyon ng DOH mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 5, 2025.

Sa mga sugatan, ang total caseload ay tumaas sa 832 matapos maidagdag ang 61 kaso mula sa iba’t ibang petsa na huling naiulat.

Ang bilang ay 37% na mas mataas kaysa 606 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa 832 biktima, 491 ay sangkot ang 19 taong gulang at 685 ang mga lalaki.

Bukod sa kwitis, ang pangunahing sanhi ng firecracker injuries ay 5-star at improvised “boga” cannons.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na mas mabuti kung magkakaroon ng total ban sa paputok sa bansa.

Binanggit din ng kalihim ang kahalagahan ng community fireworks na ginagawa ng mga propesyonal lamang upang mabawasan ang bilang ng mga indibidwal na namamatay o nasusugatan dahil sa paputok .

Nitong Linggo, kinumpirma rin ng DOH ang unang namatay dahil sa stray bullet injury sa gitna ng pagdiriwang ng holiday season. Jocelyn Tabangcura-Domenden