Home NATIONWIDE Higit 1K PCG personnel, K9 ide-deploy sa Pista ng Quiapo

Higit 1K PCG personnel, K9 ide-deploy sa Pista ng Quiapo

MANILA, Philippines- Magtatalaga ng mahigit isang libong personnel ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kapistahan ng Poong Hesus na Nazareno.

Aabot sa 1,100 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tutulong para magbantay sa seguridad sa kapistahan ng Poong Jesus Nazareno para sa seguridad ng mga deboto at mga makikiisa sa banal na aktibidad.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan PCG, aabot sa 1,100 ang kanilang tauhan na ipakakalat sa iba’t ibang lugar na daraanan ng ruta ng prusisyon ng Traslacion 2025 gayundin sa paligid ng Simbahan ng Quaipo.

Sinabi ni Gavan, kasado ang pagde-deploy ng Coast Guard K9 teams, Explosive Ordnance Disposal units, Special Operations Groups, Civil Disturbance Management team at Deployable Response Groups sa may bahagi ng Quirino Grandstand, Jones Bridge, at sa paligid ng Quiapo Church.

Kasama rin sa ide-deploy ang Coast Guard intelligence experts, crowd security personnel, at medical officers para sa seguridad at kaligtasan ng mga sasama sa Traslacion.

Nasa 21 floating assets ang ipakakalat ng PCG para magsagawa ng maritime security at safety operations Pasig River at Manila Bay kung saan siyam na unit nito ay mag-iikot sa ilang kalsada sa lungsod.

Umaasa si Admiral Gavan na magiging payapa at maayos ang Traslacion 2025 kung saan nakikiisa ang buong PCG sa selebrasyon ng kapistahan ng Poong Jesus Nazareno. Jocelyn Tabangcura-Domenden