MANILA, Philippines – Isinailalim sa state of calamity ang Biliran dahil sa limitadong kapasidad ng Biliran Bridge na nagdulot ng pagkaantala sa pagbiyahe ng mga produkto, mahalagang suplay at pagbiyahe ng mga residente.
Pinirmahan ni Governor Gerard Espina ang Resolution No. 321 nitong Biyernes, Disyembre 27 na nagdedeklara ng state of calamity dahil pinagbabawalang makadaan ang mga mabibigat na sasakyan sa naturang tulay. Ang mga ito ay karaniwang may karga ng pagkain, gasolina at iba pang mahahalagang produkto.
“The Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council has assessed the situation and recommended the declaration of a state of calamity to address the economic and logistical challenges resulting from the restricted use and access to the bridge,” saad sa resolusyon.
Bibigyang-daan sa deklarasyon ang paggamit ng pamahalaan na magpatupad ng hakbang para mapanatili pa ring mababa ang presyo ng mga produkto, at masiguro ang uninterrupted delivery ng mga ito, maging ng mga serbisyo, at mapigilan ang matinding epekto ng insidente.
Mula noong Disyembre 23 ay sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang Biliran Bridge ay hindi maaaring daanan ng malalaking sasakyan matapos ang viral video nang pag-alog ng naturang tulay.
Mga light vehicle lamang gaya ng passenger vans, sports utility vehicles at iba pang kaparehong sasakyan ang papayagang makadaan.
Kailangan namang magbaba ng pasahero ang mga bus bago tumawid sa tulay.
Inirekomenda ng DPWH ang paggamit ng barge para ibyahe ang mga produkto, perishable products, at fuel tankers habang hindi pa naisasaayos ang tulay.
Nagsimula na nitong Biyernes ang repair sa landing ramp sa Leyte side ng tulay. RNT/JGC