MAGKASUNOD na sinalanta ng bagyo at baha ang Pilipinas at bansang Espanya at may mga pagkakahawig.
Mga bagyong Kristine at Leon ang dumating sa Pinas, habang hindi pinangalangan ang bagyong tumama sa Espanya, lalo na sa lalawigan ng Valencia.
May 214 nang namatay sa Espanya at naghahalukay pa sila ng iba pang mga posibleng namatay.
Sa Pinas, may 150 namang patay at may 30 pang missing.
Parehong nakaranas ang mga binahang lugar ng hanggang bubong ng bungalong bahay o nasa 3 metrong taas ng baha.
Kaya gayun na lamang ang dami ng mga namatay sa Pinas at sa Espanya.
Ayon sa mga taga-Valencia na matatanda at umabot na sa 100 ang edad, ngayon lang sila nakaranas ng gayung ulan at ipinaliwanag naman ng mga awtoridad na gawa iyon ng isang taong ulan na ibinuhos sa loob lamang ng 8 oras.
Para naman sa mga taga-Bicol, ang ulan ni Kristine ang pinakamatindi sa nakalipas na 55 limang taon.
MALAKING PAGKAKAIBA
Sa ngayon, pag-uusapan naman ang ilang pagkakaiba.
Ayon sa mga balita, 8-10 oras ang late o pagkabalam ng mga anunsyo sa Valencia ukol sa pagdating ng malalaking baha mula sa mga kabundukan na rumagasa sa Valencia na nasa mababang lugar at nasa tabing dagat.
Nang makarating ang mga anunsyo, marami ang sumakay sa kanilang mga sasakyan para itakas ang mga ito sa pagkasira sa baha ngunit inabutan sila ng baha.
Walang namang nagawa ang mga nasa nasa bungalow, lalo na ang mga maysakit at matatanda sa bilis ng pagdating ng mga baha na sumalakay at lumunod sa kanila.
Sa Pinas, kompleto ang mga anunsyo subalit hindi lang inasahan na ganoon kalakas ang mga ulan na dumating.
At maging ang hindi nala-landslide na parte ng Batangas, tinamaan din na nagbunga ng nasa 54 patay.
Nalunod ang karamihan naman sa mga namatay na Pinoy sa rami ng mga binahang lugar sa magkasanib na pwersa ng dalawang bagyo.
ILANG KATANUNGAN
May 300 na Pinoy na nakatira sa Valencia, Spain.
Hanggang ngayon, wala pang nababalitang nadamay na Pinoy sa nasabing lugar.
Tiyak namang kumikilos na ang pamahalaan kung may nadamay na Pinoy upang mabigyan ng kaukulang ayuda ang nadamay.
Sa Pilipinas, idineklara ni Panguong Bongbong Marcos na Araw ng Pagluluksa sa araw na ito para sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Paano kaya ungkatin ang kaugnayan ng mga palpak na anti-flood control projects na umabot sa P500 bilyon sa nakalipas na dalawang taon?
At saan din napunta ang mahigit P130 bilyong anti-flood project sa Kabikulan, ayon sa katanungan ni Manang Senador Imee Marcos?
Hanggang ngayon, ni isang kongresman o senador ang nagpapasimula ng imbestigasyon sa mga kapalpakang ito at sa mga dambuhalang halaga ng buwis ng taumbayan na ginagastos sa mga proyektong ito.