MANILA, Philippines – Ganap nang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa state weather bureau PAGASA nitong Huwebes.
“Bandang 8:00 AM ngayon, ang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility ay naging Tropical Depression,” sabi ng PAGASA.
Batay sa graph na ipinost ng PAGASA, dalawa pang LPA ang binabantayan para sa tropical cyclone formation.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na subaybayan ang mga update mula sa PAGASA.
Samantala, sinabi ng PAGASA sa kanilang 24-hour public weather forecast na hanggang sa malakas na pag-ulan ang inaasahan dahil ang intertropical convergence zone (ITCZ) ay nakakaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
Ang Palawan ay maaaring magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Ang Visayas at Mindanao ay inaasahang magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.
Dahil sa mga localized thunderstorms, ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng Luzon ay maaaring makaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog. RNT