Home NATIONWIDE Kaugnayan sa POGO itinanggi ni ex-PNP chief Acorda

Kaugnayan sa POGO itinanggi ni ex-PNP chief Acorda

MARIING itinanggi ni dating Philippine National Police (PNP) chief Benjamin Acorda, Jr. nitong Miyerkules na may kaugnayan siya sa mga “personalidad” ng POGO tulad nina Alice Guo at Tony Yang, na inamin na “nasaktan” siya sa mga insinuasyon na dulot ng mga larawang ipinakita sa naunang panel ng Senado pandinig.

“I can say to anybody squarely, eye to eye, without flinching an eye na malinis tayo diyan kay Alice Guo. Wala tayong pakialam diyan sa pagtakas niya. Hindi rin ako tumatanggap ng pera sa kanya,” sinabi niya sa phone interbyu.

Dagdag pa ni Acorda, siya ang nag-utos ng operasyon na humantong sa pagkakadiskubre sa ilegal na POGO sa Bamban.

Nauna rito si Sen. Risa Hontiveros noong Martes ay nagpakita ng mga larawan ni Acorda kasama si Yang, ang kapatid ni Guo na si Wesley, gayundin si Sual Mayor Dong Calugay, na pawang iniuugnay sa mga ilegal na POGO.

Bunsod nito tinanong ng senador kung bakit “nakipagkapatiran” ang matataas na opisyal ng gobyerno sa isang umano’y pugante, na ang tinutukoy ay si Yang.

Subalit, sinabi ni Acorda na wala siyang ideya tungkol sa diumano’y kriminal na background ni Yang nang kuhaan ang larawan “noong 2010.”

Aniya, nasaktan siya na ang mga larawang iyon ay ipinakita ng panel ng Senado.

“As I have said medyo masakit, hindi lang medyo, talagang masakit because for 37 years I tried to keep my records clean pero just for one picture or many pictures and with so many innuendos nasira kaagad. Pero kasama na yan sa serbisyo,” sabi pa ng dating PNP chief.

Magugunitang naglingkod si Acorda bilang PNP chief mula Abril 2023 hanggang Marso 2024.

Kaugnay nito sinabi ni Hontiveros na mabibigyan ng pagkakataon si Acorda na magpaliwanag sa kanyang sarili sa susunod na pagdinig ng kanyang komite.

Samantala, iginiit ng isa pang dating hepe ng PNP na si Senator Ronald Dela Rosa na hindi sapat ang mga larawan para matukoy ang pagkakasangkot ng isang tao sa mga ilegal na aktibidad, kahit na nilinaw niyang hindi niya ipinagtatanggol si Acorda.

“Anybody can have pictures with us. Lalong-lalong na kung ikaw ay Chief PNP,” ani Dela Rosa. “Kailangan nating hintayin ang paliwanag ni (Acorda).”

Naniniwala si Dela Rosa na si Acorda ay isang disenteng tao. Nakipag-ugnayan umano siya sa mga dating PNP chief na kapwa miyembro ng Council of Chiefs. (Santi Celario)