MANILA, Philippines – Inanunsyo ng PAGASA nitong Martes, Setyembre 16, na ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility ay may mataas na tsansa na maging tropical depression sa loob ng 24 oras.
Alas-11 ng umaga, ang LPA ay nasa 275 km silangan ng Infanta, Quezon. Isa pang LPA sa 655 km kanluran ng Calapan, Oriental Mindoro ay “mababa” ang posibilidad na lumakas.
Makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Central at Eastern Visayas, Aurora, Quezon, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, at Nueva Vizcaya dahil sa LPA. Apektado rin ng trough nito ang Metro Manila, MIMAROPA, nalalabing bahagi ng Central Luzon at CALABARZON, at natitirang bahagi ng Visayas.
Easterlies ang magdadala ng pag-ulan sa natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Ilocos, at CAR, habang Habagat ang magpapaulan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, BARMM, at SOCCSKSARGEN. Lokal na thunderstorms naman ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Mindanao.
Nagtaas din ang PAGASA ng La Niña Alert, na may 70% tsansang mabuo mula Oktubre hanggang Disyembre at maaaring tumagal hanggang Pebrero 2026. RNT