ISABELA, Philippines – Sumisigaw ng katarungan ang pamilya’t kamaga-anak ng isang binata matapos pagbabarilin ng riding in tandem na nagpanggap na bibili sa biktima sa loob ng isang sari-sari store sa Barangay Dingading, San Guillermo, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Rodel Villamil, o mas kilalang si alyas Iyung, 28 anyos, welder at residente ng Purok 4 ng nasabing barangay.
Dakong alas-3:30 kaninang hapon sa nasabing sari-sari store sa Purok 1 ng nasabing barangay ay nagpanggap ang gun man na bibili ng Cobra at saktong bubuksan na ang refregerator para ibigay ang bibilhin sa gunman ay dito na pinaputukan ng tatlong beses sa ibat-ibang bahagi ng katawan na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Ayon sa kasama ng biktima na nakakita ay dumating ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo. Lumapit umano ang isa sa mga suspek at nagpanggap na bibili ng energy drink o cobra.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa kalapit na Barangay Guam ng nasabing bayan.
Sa pagresponde ng pulisya ay nadatnan ang biktima na duguan at nakahandusay na wala ng buhay.
Sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya kung ano ang motibo sa krimen at wala pang pagkakakilanlan sa mga riding in tandem criminal. (Rey Velasco)