MANILA, Philippines – Nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng special non-working days sa ilang lugar para sa pagdiriwang ng kani-kanilang ‘founding anniversary o anibersaryo ng pagkakatatag.
Sa ilalim ng Proclaimation No. 1203, ang Abril 7 ay idinedeklarang special non-working day sa Mountain Province, para sa anibersaryo ng pagkakatatag nito. Layon ng deklarasyon na bigyan ng ganap na pagkakataon ang mga mamamayan ng Mountain Province na magpartisipa sa nasabing okasyon at magsaya sa pagdiriwang.
Inaprubahan din ng Pangulo ang deklarasyon ng special non-working day sa munisipalidad ng Rizal sa Occidental Mindoro sa Abril 6 para sa anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Ang anibersaryo ng munisipalidad ay may orihinal na petsa na Abril 3, babagsak ng Biyernes Santo. Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1202, inaprubahan ni Pangulong Marcos na ilipat ang holiday sa Abril 6.
Dineklara rin ng Pangulo ang Abril 11 bilang special non-working day sa munisipalidad ng Dolores, Quezon Province para sa pagdiriwang ng kanilang 191st founding anniversary.
Ang local holiday sa Quezon Province ay idineklara sa pamamagitan ng Proclamation No. 1200.
Nilagdaan naman ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga proklamasyon noong Marso 26 na may pahintulot ng Pangulo.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1198, idineklara naman ni Pangulong Marcos ang Abril 24 bilang isang special non-working day sa Sulop, Davao Del Sur para sa anibersaryo ng pagkakatatag ng munisipalidad.
Ipinroklama rin ang Abril 6 bilang isang special non-working day sa munisipalidad ng Magsaysay sa Occidental Mindoro para sa anibersaryo ng pagkakatatag nito. Ang anibersaryo ng munisipalidad ay babagsak sa Abril 3, Bieyrnes Santo. Inaprubahan ni Pangulong Marcos na ilipat ang local holiday sa Abril 6 sa pamamagitan ng Proclamation No. 1197.
Ang dalawang proklamasyon ay tinintahan noong Marso 23. (KRIS JOSE)