Home METRO Binatilyo patay, dalaga kritikal sa mixer truck

Binatilyo patay, dalaga kritikal sa mixer truck

DIPOLOG CITY- PATAY ang isang binatilyo habang kritikal ang dalaga matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa concrete mixer truck nitong Martes sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Ravin Samante, 16, habang inoobserbahan sa ospital ang driver ng motorsiklo na si Joan Pelayo, 18-anyos.

Batay sa report ng Dipolog City Police Station, naganap ang insidente hapon ng Martes sa national highway na sakop ng Barangay Cogon, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Pelayo ang motorsiklo angkas si Samanta nang bigla na lamang silang bumangga sa kasalubong na mixer truck.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mga biktima sa kalsada at agad naman dinala sa Corazon Aquino Hospital sa Barangay Biasong, Dipolog City ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Dinala naman sa kustodiya ng Dipolog-PNP ang driver ng mixer truck para sa imbestigasyon.

Nabatid, na nasa impluwensiya umano ng nakalalasing na alak ang mga biktima ng mangyari ang insidente. Mary Anne Sapico