Home METRO 3 Korean national na sangkot sa robbery, nakalawit ng BI sa Cebu

3 Korean national na sangkot sa robbery, nakalawit ng BI sa Cebu

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagnanakaw sa isinagawang operasyon sa Cebu City nitong nakaraang Biyernes.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang tatlong pugante na sina Han Jungwoo, 37, at Jo Woongje, 36, at Lee Chihoon, 25, na inaresto sa Talisay City noong Mayo 3 ng mga elemento mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Tansingco na ang mga Koreano ay pawang paksa ng mga red notice na inisyu ng Interpol dahil sa mga warrant of arrest na inisyu laban sa kanila ng korte ng Korea.

Ang nasabing mga warrant ay naiulat na inisyu noong Enero ng eastern district court sa Seoul matapos ang mga kaso ng pagnanakaw ay isinampa laban sa kanila ng mga awtoridad.

Ayon kay Rendel Ryan Sy, BI-FSU acting chief, ang mga suspek ay inakusahan ng paggamit ng mga sopistikadong instrumento tulad ng tracking device at surveillance camera para palihim na mamonitor ang kanilang mga biktima at makuha ang kanilang mga password at personal na impormasyon.

Nabatid sa BI na ang data na kanilang nakuha ay ginamit ng mga suspek upang sirain ang seguridad sa mga tahanan ng kanilang mga biktima na kanilang ninakawan ng mga ari-arian na nagkakahalaga ng higit sa 4.5 milyong won, o humigit-kumulang US$3,300.

Ang mga nasabing dayuhan ay nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan mananatili sila habang nakabinbin ang mga paglilitis sa kanilang deportasyon.

Sinabi ni Tansingco na bilang resulta ng kanilang pag-aresto, ang mga pugante ay ilalagay sa blacklist ng BI at pagbabawal na makapasok muli sa bansa. JAY Reyes