Home NATIONWIDE Binay nabahala sa ‘Chinese mafia’ na nabigyan ng special PH visa

Binay nabahala sa ‘Chinese mafia’ na nabigyan ng special PH visa

MANILA, Philippines- Matinding ikinabahala ni Senador Nancy Binay ang pinapasok na miyembro ng sinasabing Chinese mafia na nabigyan ng special Philippine visa dahil malaking banta ito sa pambansang seguridad.

Muling iginiit ni Biiay sa Philippine Retirement Authority (PRA) na higpitan ang aplikasyon ng dayuhan na gustong magretiro sa bansa matapos ibulgar ng Bureau of Immigration na may ilang miyembro ng Chinese mafia ang gumagamit ng pasaporte na may special resident retiree visas (SRRV).

Ipinanawagan ito ni Binay isang linggo matapos ihayag ng Bureau of Immigration (BI) na inaresto ang apat na Chinese national na sangkot sa tumataas na bilang ng fraudulently-acquired government-issued IDs at documents kabilang ang lehitimong Philippine passports na may kwestiyonableng SRRVs.

Binanggit ni Binay na matagal nang pinagsasamantalahan at kinatatakutan na ilang miyembro ng sindikato na Chinese ang nabibigyan at nakakukuha muli ng SRRVs na may kasangkot at nakapagtayo ng sarili nitong network sa burukrasya ng pamahalaan.

“Nakakabahala talaga since these foreign nationals enter and exit the country using valid documents that we know were obtained through illicit ways,” ayon kay Binay.

“We expect NICA to help assess the scale of fraud perpetrated by these syndicates, and check the addresses and contact numbers provided in their ‘valid’ documents,” giit pa niya.

“Visa fraud and fake identities adversely impact national security. What’s largely alarming is the PRA policy of allowing Chinese SRRV applicants who are 35 years old, which can be categorized as ‘soldier’s age’,” sabi pa ng senador.

“Dapat merong security measures at dapat higpitan ang vetting process ng mga applications regardless of nationality.”

Matatandaang noong nakaraan taon ay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang high-ranking PRA official sa pagbibigay ng unwarranted SRRV cards sa dayuhan.

Natuklasan din ng BI na may ilang kaso ng dayuhan na nagkukunwaring Filipino sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang dokumento ng Pilipinas at tunay na immigration stamps.

“Nakailang beses na po nating binabanggit ang tungkol sa mga POGO workers who reportedly happen to be SRRV holders. Pero ang mas nakakaalarma ay itong naarestong apat na Chinese nationals na naka-retirees visa sa Pilipinas,” giit ni Binay.

Base sa records ng PRA, umabot na sa 78,000 foreign retirees ang nakapasok sa Pilipinas, mahigit 30,000 dito ay pawang Chinese retirees na pinayagang permanentang manirahan sa bansa.

Ibinabala ng mambabatas ang dumaraming bilang ng nahuhuling Chinese nationals na nagpapakita ng authentic government-issued Philippine documents na ipinakikila sila bilang Filipino traders o retirees na nakababahalang sitwasyon sa pambansang seguridad.

“Ano ba ang monitoring mechanism ng PRA to check if these ‘retirees’ together with those who pose as ‘investor-class immigrants’ are really legit?” aniya.

Muling idiniin ni Binay na magsagawa ng whole-of-government response upang kilalanin ang sindikato na nagbibigay ng government IDs kabilang ang visa at pasaporte.

Hiniling din ni Binay na patawan ng mas mahigpit at mabigat na parusa ang mga dayuhang  nagsasagawa ng ilegal na aktibidad sa Pilipinas. Ernie Reyes