MANILA, Philippines – Naghain si Senador Bam Aquino ng resolusyon na bumabati at nagbibigay-pagkilala sa Filipino P-pop (Philippine Pop) group na BINI, na siyang kauna-unahang Filipino act na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Indio, California.
Sa kanyang Resolution No. 370, pinuri ni Aquino ang BINI sa pagdadala ng karangalan at dangal sa bansa at sa pagpapakita ng talento at sining ng Pilipino sa pandaigdigang entablado sa kanilang mga pagtatanghal noong Abril 10 at 17, 2026 sa Coachella, isa sa pinakaprestihiyoso at pinakamalaking music festival sa mundo.
Kilala bilang “nation’s girl group”, ang BINI ay binubuo nina Naraiah Queen Arceta (Aiah), Ma. Nicolette Vergara (Colet), Nary Loi Yves Ricalde (Maloi), Gweneth Apuli (Gwen), Lindtsey Stacey Aubrey Sevilleja (Stacey), Mikhaela Janna Lim (Mikha), Jhoanna Christine Robles (Jhoanna), at Sheena Mae Catacutan (Sheena).
“BINI’s 10-song setlist, featuring a selection of their most popular songs, including Shagidi, Pantropiko, Salamin-Salamin, and Karera, highlighted Filipino artistry on the global stage,” ani Aquino.
“BINI’s performance showcased Filipino pride through the use of traditional elements, including the salakot and tropical-inspired attire, as well as a fusion of contemporary and traditional styles in their costumes, music, and choreography,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din niya na ang tagumpay ng BINI ay isang panalong dapat ipagdiwang sa harap ng krisis at iba’t ibang hamong kinahaharap ng bansa.
Nagpahayag si Aquino ng pag-asa na ang makasaysayang pagtatanghal ng BINI ay magsisilbing daan para sa patuloy na paglago ng P-pop at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong artista na maipakita ang kanilang talento at makamit ang mas malawak na pagkilala sa pandaigdigang industriya ng musika.
“BINI’s achievement serves as an inspiration to young Filipinos, demonstrating that Filipino talent can thrive and gain recognition on the world stage through passion, discipline, and excellence,” sabi ni Aquino.
Ayon sa senador, ipinapakita ng pagtatanghal ng BINI sa Coachella ang lumalaking potensyal ng creative economy ng Pilipinas, na nagpapakita kung paano kayang lumikha ng pandaigdigang demand ang talento ng Pilipino, makapagbigay ng mga oportunidad pang-ekonomiya, at mapalakas ang presensya ng bansa sa pandaigdigang larangan ng kultura at sining.
Dagdag pa niya, makatutulong ang tagumpay ng BINI upang mahikayat ang mas malawak na suporta para sa mga creative industry bilang tagapagtaguyod ng inobasyon, trabaho, at inklusibong paglago.
Sa mga naunang panayam, ibinahagi ni Aquino na ang kanyang dalawang anak na sina Rory at Coco ay masugid na tagahanga ng BINI, na ang kanilang fandom ay kilala bilang “Bloom.”
Nagkaroon din si Aquino ng pagkakataon na personal na mapanood ang performance ng BINI sa SexBomb concert sa Araneta Coliseum noong Pebrero.
Isa si Aquino sa matibay na tagasuporta ng Pinoy talents. Noong kampanya noong 2022 at 2025, kumuha siya ng mga lokal na artista para magpamalas ng kanilang talento at kakayahan, at muli niyang itinampok ang husay ng musikang Pilipino sa People Power 40 Kick-Off Concert. Ernie Reyes