MANILA, Philippines – Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Social Security System (SSS) sa P13.195 milyong pagbili ng 143,424 na tissue paper rolls noong 2024 dahil sa ipinakitang kakulangan sa maayos na pagpaplano.
Ayon sa audit, lumabis ang suplay sa dalawang buwang pangangailangan ng SSS, hindi kasya sa storage facilities, at 116,046 rolls ang nanatili sa supplier sa ilalim ng verbal agreement na walang pormal na dokumento.
Binanggit din ng COA ang underpayment ng halos P3 milyon sa SSS funeral benefits at overpayment na P24.811 milyon sa mga namatay na pensioners.
Bukod dito, nagbigay ang SSS ng P333 milyon na cash incentives sa pamamagitan ng Prestige Award, na ayon sa audit ay walang sapat na basehan.
Inutusan ng COA ang SSS na magsumite ng evaluation report sa mga insentibo o ibalik ang hindi napatunayang halaga.
Tinukoy ng audit na nagpapakita ito ng kahinaan sa financial safeguards, na naglalagay sa panganib ng pondo ng gobyerno at katatagan ng pension fund. Dave Baluyot