Home NATIONWIDE BIR sa 2025 candidates: Tax obligations, ayusin

BIR sa 2025 candidates: Tax obligations, ayusin

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng kandidato at political parties na tumakbo noong 2025 elections na sila ay napapailalim sa tax regulations at dapat sumunod sa mga pangunahing kinakailangan bilang bahagi ng kanilang mga tungkulin bilang kandidato para sa pampublikong opisina.

Sa panayam kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., iginiit nito na ang lahat ng kandidato at political organization, kabilang ang party-list groups, ay kailangang mag-isyu ng BIR-registered invoice para sa mga natatanggap nilang kontribusyon, cash man o in-kind.

“Kapag nagbabayad sila sa kanilang mga suppliers, ay kinakailangan nilang mag-withhold ng 5 percent doon sa kanilang suppliers,” ayon kay Lumagui.

Dagdag pa ng opisyal, dapat subaybayan ng mga kandidato ang kanilang mga gastusin at magsumite ng mga detalyadong ulat, o Statement of Contribution and Expenditure (SOCE), hindi lamang sa Commission on Elections kundi maging sa BIR.

Pinaalalahanan pa ni Lumagui na pinapayagan naman ang mga kandidato at partido na itago ang labis na kontribusyon sa kampanya, ngunit kailangan nilang bayaran ang kaukulang buwis nito.

“Pagka sobra naman ang natanggap nila na mga contributions sa mga ginastos nila, kinakailangan nilang bayaran ang income tax patungkol dito sa sobrang natanggap nila,” paliwanag ni Lumagui.

Nagbabala si Lumagui na ang mga kandidato at partido na hindi sumunod sa mga kinakailangang ito ay maaaring maharap sa tax evasion charges.

“In certain cases, non-compliance may even serve as grounds for disqualification,” ayon pa sa opisyal. JR Reyes