Home METRO Biyahero, timbog sa P915K kontrabandong yosi sa Bulacan Oplan Sita

Biyahero, timbog sa P915K kontrabandong yosi sa Bulacan Oplan Sita

102
0

Bulacan – Arestado ang isang indibiduwal nang mahulihan ng P915,000 halaga ng kontrabandong sigarilyo sa Frog Leap Oplan Sita ng pulisya sa bayan ng San Rafael nitong madaling araw ng Abril 8.

Ayon kay PLTCOL Protom Guevarra, hepe ng San Rafael Police Station, kinilala ang suspek na si alyas “Berto,” 48, residente ng Hen. T. De Leon, Valenzuela City.

Sa ulat, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng istasyon ay pinara nila ang isang Toyota HiAce van para sa routine verification.

Dahil dito, napansin ng mga pulis ang mga kahon sa loob ng sasakyan, subalit nang boluntaryong buksan ng driver ay napag-alamang smuggled o counterfeit cigarettes ang laman nito na walang permit at dokumento.

Nasamsam sa suspek ang 61 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na may kabuuang halagang nasa P915,000.00, gayundin ang van na ginamit sa pagdadala ng mga produkto.

Dinala ang suspek at ang nakumpiskang ebidensya sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso.

Sinabi ni PCOL Jay Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na ang patuloy na pagsasagawa ng checkpoint at Oplan Sita ay upang mapigilan ang pagpasok at distribusyon ng ilegal na produkto, at mapigilan na rin ang iba pang uri ng kriminalidad upang maprotektahan ang publiko sa lalawigan. (Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here