MANILA, Philippines – Tahimik ang mga lansangan at mahina na ang kampana ng simbahan.
Sa loob ng mga tahanan at kapilya, tila huminto ang oras. Ganito sumasalubong ang mga mananampalataya sa Black Saturday, na kilala rin bilang Holy Saturday, isang araw ng pagninilay sa gitna ng Semana Santa.
Matapos ang madugong alaala ng Biyernes Santo, kung saan ginugunita ang pagpapako sa krus ni Hesukristo, pumapasok ang mga deboto sa isang yugto ng katahimikan. Wala ang karaniwang ritwal ng misa sa umaga at ang mga altar ay nananatiling payak, at walang palamut na tila sumasalamin sa kawalan at pagluluksa ng mundo.
Sa turo ng Simbahang Katolika, ang araw na ito ay panahon ng paghihintay o ang panahong si Hesus ay nasa libingan bago ang Kanyang muling pagkabuhay. Hindi ito araw ng selebrasyon, kundi ng pag-asa na tila pansamantalang natatakpan ng dilim.
Ngunit sa likod ng katahimikan, may unti-unting paghahanda. Pagsapit ng gabi, ginaganap ang Easter Vigil o isang makabuluhang seremonya kung saan muling sisindihan ang ilaw mula sa kadiliman. Isa itong simbolo ng muling pagbangon, ng liwanag na hindi kayang patayin ng dilim.
Sa bawat kandilang unti-unting nagliliwanag, muling binubuhay ang pananampalataya ng mga deboto na matapos ang katahimikan ng Black Saturday at darating ang Linggo ng Pagkabuhay
Dala nito ang mensahe ng pag-asa at bagong simula.
Sa gitna ng ingay ng makabagong mundo, nananatiling paalala ang araw na ito na minsan ay kailangan natin ang katahimikan upang mas marinig ang tunay na kahulugan ng pananampalataya. JGC