Home Banat By BOARD AT BAR EXAMINATIONS PASSERS, AWTOMATIKONG MAY CIVIL SERVICE ELIGIBILITY

BOARD AT BAR EXAMINATIONS PASSERS, AWTOMATIKONG MAY CIVIL SERVICE ELIGIBILITY

AYON  sa CSC o Civil Service Commission, awtomatikong hindi na kailangan pang kumuha ng pagsusulit para sa “civil service eligi­bility” ang mga pumasa sa bar examinations na pinangasiwaan ng Korte Suprema at mga board examinations na isinagawa ng Professional Regulation Commission (PRC).

Dagdag pa ng CSC, ang mga lisensiyadong marine deck at engi­ne officer’s ng Maritime Industry Authority (MARINA) ay itinutu­ring ding civil service eligibles, kasunod ng paglipat ng tungkulin sa pagsusulit, paglilisensya, at pagsertipika mula sa PRC patungo sa MARINA.

Sinabi rin ng komisyon na ang pagpasa sa Shari’ah Bar Exa­minations ay itinuturing ding eligibility. Kinikilala sila para sa mga unang antas at ikalawang antas na posisyon sa civil service.

Hindi na kinakailangang magtungo ang mga pumasa sa nasabing mga pagsusulit sa CSC at sa mga tanggapan nito para mag-aplay o kumuha ng kopya ng kanilang civil service eligibility dahil maaaring magsilbing patunay ng eligibility ang balidong professional license o kopya ng Certificate of Registration/Competency o Report of Rating na inisyu ng SC, PRC o MARINA.

Ang Bar/Board Eligibility, na nakukuha sa pamamagitan ng pagpasa sa isang pagsusulit na nangangailangan ng bachelor’s deg­ree, ay naaangkop hindi lamang sa mga posisyon na direktang may kaugnayan sa nasabing pagsusulit kundi pati na rin sa iba pang mga unang antas at ikalawang antas na posisyon sa pamahalaan na hindi saklaw ng espesyal na batas o nangangailangan ng karagdagang eligibility o lisensya.

Ayon sa CSC, ang mga unang antas na posisyon ay iyong may kaugnayan sa mga istrukturadong gawain bilang suporta sa operas­yon ng tanggapan o iyong may tungkuling clerical, trades, crafts, o custodial service.

Samantala, ang ikalawang antas na mga posisyon ay kinabibilangan ng mga propesyonal, teknikal, at siyentipikong posisyon na hindi supervisory o sa supervisory capacity hanggang sa antas ng division chief.

Dagdag pa ng komisyon, ang mga eligibility na nakuha sa pamamagitan ng mga pagsusulit na nangangailangan ng mas mababa sa apat na taon ng pag-aaral sa kolehiyo ay angkop para sa appointment sa mga posisyon na may kaugnayan sa pagsusulit at sa iba pang mga unang antas na posisyon sa pamahalaan na hindi sakop ng mga espesyal na batas o karagdagang mga rekisito.

Ang Bar/Board Eligibility ay hindi saklaw ng master’s degree requirement para sa division chief at executive o managerial roles sa ikalawang antas basta’t ang kanilang tungkulin ay nauugnay sa propesyonal na pagsasanay o may kaugnayan sa mga posisyon na pinamamahalaan ng mga batas sa bar o board.

Samantala, sinabi ng CSC na ang mga abogado at doktor ay ­exempted mula sa master’s degree requirement para sa division chief o executive/managerial roles na hindi nauugnay sa pagsasanay ng kanilang propesyon o may kaugnayan sa mga posisyon na pinamamahalaan ng mga batas sa bar o board.