Home Banat By MURANG PABAHAY AT BOLADAS NA MAPAMUMURA KA

MURANG PABAHAY AT BOLADAS NA MAPAMUMURA KA

TERIBLE ang problema ng bansa sa pabahay: 3.7 milyong pamilya ng informal settlers, na ang kalahating milyon ay nasa Metro Manila, at ang kakulangan sa pabahay ay papalo sa 22 milyon pagsapit ng 2040. Ambisyon ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) na makakumpleto ng isang milyong housing units bawat taon hanggang sa 2028, na babayaran ng hanggang sa pinakamababang ₱1,500 kada buwan, posible dahil sa mga subsidiya ng gobyerno. Pero mistulang hindi napabilib dito si Senator Cynthia Villar.

Sa deliberasyon ng Senado noong nakaraang linggo para sa 2025 budget ng Department of Human Settlements and Urban Development, binira ni Villar ang pagtuon ng ahensiya sa mga proyektong condominium, sinabing hindi abot-kaya ng mahihirap ang mga ito at mas bagay sa mga middle-class earners.

Ibinigay na halimbawa ang kanyang bayan ng Las Piñas, iginiit ng senadora na ang mahihirap na pamilya, gaya ng tricycle drivers at vendors, ay hindi magawang makabayad sa buwanang amortization na ₱2,400 hanggang ₱3,000, lalo na raw marahil ang pagmamantine ng condominium. Sa halip, iminungkahi niya na bentahan na lang ang mga ito ng lupa, sa halagang ₱500 bawat buwan, kahit ang mismong pagtitirik ng bahay sa mga loteng iyon ay mas malaking gastusin para sa mahihirap.

Dinepensahan naman ni Senator Risa Hontiveros ang nabanggit na plano ng DHSUD, ipinaliwanag na ang mga medium-rise condo ay idinisenyo upang panatilihin ang informal settlers sa mga komunidad kung saan maaari silang magtrabaho at kumbinyenteng makapamuhay. Sa pagbabayad na ito, na ₱1,500 ang pinakamababa, pinagsasama ng programa ang konsiderasyon ng malapit na distansya sa pinagkakikitaan at ang pangangailangan ng mahihirap, mas binibigyang prayoridad ang accessibility kaysa luxury.

 Hindi eksklusibo lang sa mayayaman ang mga condo, giit ni Hontiveros; ang mga ito ang kinakailangang solusyon para sa mga lugar na may malaking populasyon pero limitado ang espasyo.

Gayunman, hindi natitinag si Villar sa kanyang kontra-argumento, sinabi niyang wala sa hulog ang mga prayoridad ng ahensiya at nagpahaging pa ng tungkol sa korapsyon. Ramdam ang moral superiority sa tono ng kanyang pananalita, ipinakikilala ang kanyang sarili bilang kaisa-isang nakikipaglaban para sa kapakanan ng mahihirap.

Pero kung pakalilimiing mabuti, awtomatikong guguho ang kanyang retorika. Ang pamilya Villar, na nagmamay-ari ng naglalakihang real estate companies na tulad ng Vista Land at Golden MV Holdings, ay nagawang makapagpundar ng $11 billion na kayamanan sa pagbebenta ng bahay sa mga Pilipino — mga bahay na pinapangarap lamang ng mga tricycle drivers at vendors.

Ang pagkontra ni Villar sa pabahay na condominium para sa 4PH program ng gobyerno ay isang dambuhalang kabalintunaan, naghuhumiyaw na tulad ng mga billboard ng higanteng real estate empire ng kanyang pamilya. Kung totoong ang kapakanan ng mahihirap ang inaalala niya, bakit hindi magawang resolbahin ng kanyang maimpluwensiyang pamilya ang matagal nang krisis na ngayon ay mariin niyang kinokondena? Sa halip, binibira niya ang mga pagsisikap ng gobyerno kasabay ng pagkakamal niya ng salapi sa merkado ng pabahay, na milyun-milyon ang napag-iiwanan.

Ang tunay na katanungan ay hindi kung pabor ba sa mahihirap ang mga nasabing proyekto. Ang tunay na katanungan ay kung umaakma ba ang mga prayoridad ni Senator Villar sa ikabubuti ng kalagayan ng publiko — o sa interes ng kanyang pamilya. Suportado natin ang pagsusulong ni Sen. Villar na magkaroon ng abot-kayang pabahay para sa mahihirap. Pero kapag narinig ito ng pinakamahirap sa kanila, alam niya agad ang kaibahan ng malasakit sa pambobola.

                                           *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).