Home NATIONWIDE BOC, DMW naghigpit-seguridad sa balikbayan box

BOC, DMW naghigpit-seguridad sa balikbayan box

189
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang paglulunsad ng panibagong mga hakbang upang tiyakin ang ligtas at maayos na pagproseso ng balikbayan boxes ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa abroad.

Katuwang ng BOC sa nasabing hakbang ang Department of Migrant Workers (DMW), kung saan nagsagawa ang ahensya ng konsultasyon kasama ang iba’t ibang organisasyon ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Isinagawa ang pulong noong Pebrero 24, 2026, kasama si DMW Assistant Secretary Vennie Legaspi, upang talakayin ang mga reklamo hinggil sa mga naantalang at inabandonang balikbayan boxes, gayundin ang problema sa ilang mapanlinlang na freight forwarding companies na umano’y nananamantala sa mga OFW.

Sa naturang dayalogo, nagbigay ng update ang BOC ukol sa mga kahong kasalukuyang ipinapadala at sa mga container na patuloy pang pinoproseso ng kanilang partner logistics companies. Layunin umano nitong maging transparent at malinaw ang estado ng bawat padala.

Inilatag din ng ahensya ang mga bagong reporma at preventive measures laban sa panloloko. Kabilang dito ang pagbuo ng mas istriktong strategic plans, paglalabas ng advisories laban sa mga kuwestiyonableng freight forwarders, at regular na pagbibigay ng impormasyon sa komunidad ng OFWs upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga padala.

Bukod dito, paiigtingin din ang monitoring mechanisms at reporting systems, at mas palalakasin ang koordinasyon sa logistics partners upang masigurong makarating sa tamang benepisyaryo ang bawat balikbayan box—ligtas at nasa oras.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, hindi aniya ito ang una at huling pakikipagpulong sa mga OFW. Tiniyak niya na mananatiling bukas ang kanilang tanggapan sa mga hinaing at suhestiyon ng mga kababayan nating nasa ibang bansa, lalo na pagdating sa maayos na paghawak ng kanilang pinaghirapang padala.

Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat si Asec. Legaspi sa mga OFW. Aniya, ang bawat balikbayan box ay simbolo ng pagmamahal at sakripisyo para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. Tiniyak din ng DMW na patuloy silang makikipagtulungan sa BOC upang maprotektahan ang karapatan at interes ng mga OFW.

Hinimok naman ang mga organisasyon ng OFW na agad makipag-ugnayan sa kinauukulang ahensya sakaling makaranas ng problema sa kanilang padala o makadiskubre ng kahina-hinalang gawain ng ilang freight forwarding companies upang agad itong maaksyunan.

Sa huli, iginiit ng BOC na sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon at impormasyon, mananatili silang katuwang ng mga OFW sa pagtiyak na ang bawat balikbayan box ay makararating nang maayos, ligtas, at walang aberya sa kanilang mga mahal sa buhay.

(Jay Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here