MANILA, Philippines — Kinilala ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagpapatupad nito ng mga repormang naglalayong mapahusay ang transparency, accountability, at ease of doing business sa bansa.
Tinanggap ng BOC ang pagkilala sa ginanap na Philippine Good Regulatory Principles Recognition and Awards Program (PGRP-RAP) Awarding Ceremony noong Mayo 25, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ease of Doing Business (EODB) Month na may temang “Achieving Results through Transparency and Accountability: Towards a More Productive Bagong Pilipinas.”
Iginawad ang pagkilala sa ahensya dahil sa matagumpay nitong pag-adopt at pagpapatupad ng 10 Philippine Good Regulatory Principles (PGRP), na nagsisilbing gabay sa pagsusulong ng mahusay at makabagong sistema ng regulasyon sa pamahalaan.
Kabilang ang BOC sa mga ahensyang na-shortlist para sa PGRP-RAP bilang pagkilala sa patuloy nitong pagsasagawa ng mga repormang nagtataguyod ng bukas na pamamahala, pananagutan, at paggawa ng mga polisiya batay sa datos at ebidensya.
Ayon sa BOC, sumasalamin din ang naturang pagkilala sa pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa pagpapatibay ng mga regulatory practice, pagpapabilis ng customs processes, at pagpapahusay ng paghahatid ng serbisyo publiko alinsunod sa programa ng pamahalaan para sa Ease of Doing Business at sa adyenda ng Bagong Pilipinas.
Binigyang-diin din ng ahensya na nakahanay ang pagkilalang ito sa kanilang IAM Movement o Integrity, Accountability, and Modernization, na nagsisilbing pangunahing balangkas sa pagsusulong ng transparent governance, etikal na serbisyo publiko, at modernisasyon ng mga operasyon ng Bureau.
“Malaking bagay po ito para sa buong Bureau dahil patunay ito na ang reporma at malasakit sa serbisyo ay may tunay na epekto. Sa BOC, patuloy nating isinusulong ang Integrity, Accountability, and Modernization hindi lang bilang programa, kundi bilang kultura ng paglilingkod para sa mas maayos at mas transparent na serbisyo sa ating mga kababayan,” pahayag ni Nepomuceno.
Tinanggap ng BOC-Committee on Anti-Red Tape ang Plaque of Participation matapos matagumpay na makapasa sa assessment at validation process ng PGRP-RAP Committee at maisama sa mga opisyal na nominado para sa naturang pagkilala. Ayon sa BOC, patunay ito ng kanilang patuloy na dedikasyon sa mabuting pamamahala at pagpapatupad ng mga repormang magpapahusay sa serbisyo ng gobyerno at magpapalakas sa business-friendly customs environment para sa mga stakeholder at mamamayang Pilipino. JAY Reyes