MANILA, Philippines – Itinalaga ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si dating 5th District Representative Amado Bagatsing bilang chairperson ng Committee on Reclamation ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Nabatid na ang naturang komite ay nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 27, Series of 2026, na nilagdaan ni Mayor Isko noong Miyerkules, Hunyo 3.
Layunin ng komite na pangasiwaan at bantayan ang implementasyon ng mga reclamation project ng lungsod habang tinitiyak ang pagsunod sa lahat ng umiiral na regulasyon, environmental rules, at iba pang kaugnay na batas.
Ayon sa kautusan, ang Committee on Reclamation ay direktang mag-ooperate sa ilalim ng Office of the City Mayor at magsisilbing pangunahing lupon na hahawak sa lahat ng usapin at mga bagong kaganapan kaugnay ng reclamation projects sa Maynila.
Inatasan din ang komite na makipag-ugnayan sa mga pribadong developer at joint-venture partners upang matiyak ang maayos at maayos na pagpapatupad ng mga proyektong may kaugnayan sa reclamation.
Bukod dito, magsisilbi rin itong tulay ng lungsod sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Reclamation Authority (PRA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mga kinakailangang permit, koordinasyon, at pagsunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.
Si Bagatsing ay isang beteranong mambabatas na matagal nang nagsilbi sa pampublikong serbisyo at kilala sa kanyang karanasan sa larangan ng pabahay at urban development.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, nagsilbi siya bilang vice chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at naging General Manager ng National Housing Authority (NHA), mga posisyong nagbigay sa kanya ng malawak na karanasan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran. JAY Reyes