Home NATIONWIDE Tangkang paglilinis ni VP Sara sa mga pangalan na sangkot sa korapsyon,...

Tangkang paglilinis ni VP Sara sa mga pangalan na sangkot sa korapsyon, nakaaalarma – Malakanyang

37
0

MANILA, Philippines – Itinuturing ng Malakanyang na nakaaalarma ang tangkang paglilinis ni Vice President Sara Duterte sa mga pangalan ng mga indibiduwal na sangkot sa korapsyon.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinalilitaw kasi ni VP Sara na silang lahat ay biktima ng political persecution.

“Nakakaalarma ang mensahe ng Bise Presidente dahil nililinis na niya ang mga sangkot sa korapsyon. Dahil ba sa kaalyado niya ang mga ito? Pinapalabas niya na mga biktima lamang silang lahat ng political persecution,” ayon kay Castro.

Binigyang dfiin pa ni Castro na ang mga inakusahang indibiduwal ay kinasuhan para sa kanilang di umano’y pagkakasangkot sa korapsyon at hindi dahil sa political alignment.

“Ang kinakasuhan ay ang mga di umanong sangkot sa anomalya o korapsyon. Dumadaan ito sa pag iimbestiga, sa pagrespeto sa due process at ang mga naaakusahan rito ay dininig at binigyan ng pagkakataon na sumagot,” Castro said.

Sa isang video message, sinabi ni VP Sara na ang demokrasya ay ‘under threat’ habang ang government institutions  di umano ay ginagamit laban sa mga kritiko at opposition figures sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings at umiigting na political tensions.

“A democracy cannot survive when those in power see every critic as an enemy and every opposing voice as a threat,” ang sinabi ni VP Sara.

Niresbakan naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara sabay sabing “they have no other defense but to attack the administration.”

“Wala silang ibang depensa kundi manira sa administrasyon, ngunit tahimik sa merito ng mga akusasyon. Maging mapanuri. Huwag na tayong magpaloko,” ang pahayag ni Castro.

Giit pa ni Castro, nakaabang ang mga filipino sa kung sino ang dapat na managot maging ito man ay kaalyado o hindi, sila aniya ay iimbestigahan.

“Naghahanap ang mga kababayan natin ng mga dapat na managot na tinatawag nilang mga BIG FISH. Kaalyado man o hindi, kung nasasangkot dapat na maimbestigahan, yan ang nagaganap sa ngayon,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here