BULACAN, Philippines – Bukod sa 28 prohibited firecrackers at iba pang pyrotechnic devices na naitalang iligal at lubhang delikado ay ipinagbabawal din ng mga awtoridad ang paggamit ng “boga”.
Sa ulat ng Bulakan police nitong Disyembre 16, ipinagbabawal din ang paggamit ng “Boga”, ayon na rin sa Republic Act o R.A 7183, batas na naglalayong i-regulate ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok at pyrotechnic devices sa Pilipinas.
Nakasaad din sa Section 3 ng nasabing batas, anumang uring hindi lisensyado at aprubadong paputok o paingay katulad ng boga ay iligal at mahigpit na ipinagbabawal.
Maaring patawan ng multa o pagkakulong, depende sa bigat ng paglabag ang sinumang mahuling gumagamit, gumagawa o nagbebenta ng boga.
Sinasabing ang pang “masang” boga na kadalasang gamit ng maraming pinoy ay puwedeng gawa sa lata o pvc pipe na may gatilyo mula sa igniter lighter, maayos na divider sa loob na dumedepende rin sa laki at lagay o pag-spray ng denatured alcohol ang lakas ng pagsabog nito.
Kaugnay nito, nauna nang naitala ng San Jose Del Monte police kamakailan ang 28 pangalan ng paputok na sadyang delikado, maaring makasugat at ikamatay ng masabugan nito.
Sa tala, pinangunahan ito ng watusi, piccolo, poppop, five star, pla-pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, atomic bomb, atomic triangle, large-size judas belt, goodbye delima, hello columbia, goodbye napoles, super yolanda, mother rockets, kwiton, super lolo, goodbye bading, goodbye philippines, bin laden, coke-in can, pillbox, kabasi, special kingkong, tuna at goodbye chismosa. (Dick Mirasol III)