MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na may initial agreement na maaaring magkaroon ng access ang mga motorista sa 1.3-km Bucana Bridge sa Davao City, araw- araw mula 6 a.m. hanggang 5 p.m.
“At ang sinasabi po dito na ang initial agreement ay maaari pong buksan, passable ang two lanes at maaari pong magamit sa umaga – 6 a.m. hanggang 5 p.m. ,” ayon kay Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ang pahayag na ito ni Castro ay bilang resbak sa pagpuna at pambabatikos ni Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte sa napaulat na “premature” opening ng Davao City Coastal Road Segment B, araw ng Lunes.
Sinabi pa ni Duterte ang alalahanin ukol sa public safety, tinukoy nito ang kakulangan sa streetlights, traffic signs at iba pang safety measures sa kahabaan ng opened section.
Binigyang diin naman ni Castro ang pangangailangan para sa kooperasyon mula local government unit (LGU) ng Davao City para sa maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan.
“Ang kinakailangan lamang din po natin ay ang kooperasyon mismo ng LGU ng Davao City para po maging maayos po ang pagdaloy ng trapiko,” ang sinabi pa ni Castro.
Nauna rito, in ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bucana Bridge noong Disyembre 4, binuksan sa mga motorista noong Disyembre 15 para makatulong na mapagaan ang matinding daloy ng trapiko lalo na sa panahon ng holiday season.
Ang Bucana Bridge ay bahagi ng mas pinalaking Davao City Bypass project at inaasahan na mababawasan ang travel time mula dalawang oras ay magiging 20–25 minuto lamang sa oras na maging ganap na operational.
Pinondohan ng Chinese grant, ang 480-meter bridge sa Bucana area ay nakatakdang maging isang ‘major traffic decongestion project’ para sa lungsod. (KRIS JOSE)