MANILA, Philippines- Naglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng show-cause order (SCO) kay Bohol gubernatorial bet Dan Neri Lim dahil sa ilang pahayag sa publiko laban kay Bohol 2nd District Rep. Maria Vanessa Aumentado na umano’y lumabag sa anti-discrimination resolution at fair campaigning guidelines ng poll body para sa Eleksyon 2025.
Ang SCO ay nag-ugat sa reklamong inihain ni Aumentado laban kay Lim na inakusahan ng paglabag sa Comelec Resolution No.1116, kung saan tinalakay niya sa magkahiwalay na episode sa kanyang radio program na “Barog Bohol” noong Marso 19 at Marso 26, 2025 ang “undergarments” ng complainant at hindi umano tumayong ama ang tatay ng kanyang anak.
Ayon sa Comelec Task Force SAFE, ang pahayag ni Lim ay maaaring matukoy na gender-based harassment at child abuse.
Bunsod nito, pinapapaliwanag sa loob ng tatlong araw matapos matanggap ang show cause order si Lim kung bakit hindi dapat siya kasuhan ng election offense.
“Failure on your part to comply with this Order shall be construed as a waiver of your right to be heard and the filing of the appropriate case against you,” ayon sa Comelec SCO.
Sa ngayon, umabot na 74 ang inihain ng Comelec na SCO dahil sa paglabag sa resolusyon sa diskriminasyon at umano’y mga aktibidad sa pagbili ng boto sa nalalapit na May 12 elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden