Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang tanungin kung hinangad niyang mabuhay na iba ang family background.
“Oh my gosh! Would I want to have been born into another family? Absolutely not,” ang sinabi ng Pangulo sa isang episode ng BBM Podcast.
Para kay Pangulong Marcos, ikinokonsidera niya ang kanyang sarili bilang ‘luckiest man’ na kanyang nakilala.
“I still consider – parang ang tingin ko sa sarili ko, ako na ang pinakasuwerteng tao na kilala ko,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Wala na akong kilala na tao na masuwerte pa sa akin dahil ganyan ang naging ama ko, ganyan ang naging mother ko, ganyan ang naging experience ko,” aniya pa rin.
Sinabi ng Pangulo na marami siyang natutunan mula sa kanyang karanasan sa kanyang pamilya.
“Kasi lahat naman ng experience kahit hindi ka nage-enjoy, may natututunan ka eh, ‘di ba?” ang tinuran ng Pangulo.
Ang Pangulo, nagsilbi bilang gobernador, kongresista, at isang senador, inamin na noong siya ay bata pa ay hindi niya ninais na pumasok sa politika.
Sa katunayan nga aniya, dismayado ang kanyang mga magulang dahil sa ayaw niyang pumasok sa politika dahil nakita niya ang paghihirap ng kanyang mga magulang na sina dati at namayapang Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating Unang GinangImelda Marcos.
“Sabi ko, nakita ko ‘yung magulang ko, ang hirap ng buhay nila, ang daming sakripisyo. Sabi ko, ayaw ko na – ‘yung tahimik lang na buhay. That’s why I went to business school,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Gayunman, may ibang plano ang kapalaran para sa kanya. Sa nangyayari sa kanya ngayon, wala siyang pagsisisi.
“Pero hindi ganyan ang buhay, hindi mo ma-predict. Kaya dito ako napunta. Not that I regret anything of it. I do not regret one day,” ang winika ni Pangulong Marcos. Kris Jose