MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang advocacy group na dapat gawing normal ang usapin patungkol sa HIV, AIDS at sex education sa mga tahanan.
Ayon kay Ico Johnson, presidente ng Project Red Ribbon, isa sa nangungunang HIV and AIDS Foundations sa Pilipinas, dapat ay magkaroon ng “cultural change” para matugunan ang tumataas na kaso ng HIV sa bansa.
Mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, nakapagtala ang Pilipinas ng 5,583 bagong kaso ng HIV infections na 22 percent na mas mataas kumpara sa mga kasong naitala sa kaparehong quarter noong nakaraang taon.
Mula Hunyo, hinihimok ng mga awtoridad ang pamahalaan na gawing national public health emergency ang HIV dahil sa tumataas na mga kaso nito sa mga indibidwal edad 15 hanggang 25.
Ani Johnson, maraming magulang ang hindi bukas sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak patungkol sa sex at HIV.
“We need to normalize a conversation about HIV and AIDS in the house,” aniya.
Habang ang ibang bansa ay “very open” tungkol sa sex education, ani Johnson, ang usaping ito ay itinuturing pa ring “taboo” sa Pilipinas.
“It has to be a cultural change not only for non-religious but also [for] religious institutions because HIV can affect anybody right now.”
Samantala, hinimok ni Johnson ang publiko na magpasuri sa HIV at sinabing libre ang gamot para rito. RNT/JGC