Home NATIONWIDE Bong Go: Bed capacity sa PGH dagdagan

Bong Go: Bed capacity sa PGH dagdagan

MANILA, Philippines- Itinulak ni Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng committee on health and demography, ang isang panukalang batas na layong dagdagan ang mga kama sa Philippine General Hospital para maibsan ang siksikan ng mga pasyente.

Kilala rin sa kanyang krusada para sa reporma sa kalusugan, inisponsoran ni Go ang Senate Bill No. 2928 sa ilalim ng Committee Report No. 465.

Mula sa 1,334, nais ni Go na gawin hanggang 2,200 ang kama sa PGH upang mapabuti ang serbisyo sa mga pasyente nito, partikular na sa mga mahihirap.

Itinatag sa pamamagitan ng Act No. 1688 noong 1907 at binuksan noong Setyembre 1, 1910, binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel ng PGH bilang pinakamalaking modernong tertiary hospital ng gobyerno sa Pilipinas.

Sinabi ni Go na ang PGH ay nagseserbisyo sa mahigit 700,000 pasyente taun-taon kaya matinding hamon ang nito, partikular ang siksikan. 

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) noong Oktubre 2023, sinabi ni Go na ang PGH ay madalas na lumalampas sa kapasidad ng pagpapatakbo nito. Kadalasan aniyang lumalampas sa 200 porsiyento araw-araw ang limitasyon nito. 

“Ako po mismo nakikita ko ‘yan. Minsan po isang kama, dalawang pasyente. Paano gagaling ang pasyente n’yan kung magkakatabi-tabi sila d’yan? At lalung-lalo na po noong panahon ng pandemya na bawal po magdikit-dikit,” anang senador.

Binanggit pa niya na ang emergency room ng ospital ay lumampas din sa kapasidad nito na umabot sa 200 porsiyento noong Hunyo 2022 dahil sa mga pasyenteng may mga sakit na hindi nauugnay sa COVID-19, kabilang ang pneumonia, diabetes, sakit sa puso, baga, at bato.

Binigyang-diin ni Go na ang panukalang pagtaas ng bed capacity ay kinakailangan upang mapabuti ang kakayahan ng PGH na makapagsilbi sa mas maraming pasyente.

“Napakalaki po ng ginagampanan ng PGH sa ating healthcare system bilang isang pambansang ospital. Kaya patuloy ang suporta natin sa dito,” dagdag niya.

Binanggit din ni Senator Go ang ilang hakbang na sumusuporta sa operasyon ng PGH, kabilang ang pagtatayo ng Malasakit Center sa loob nito.

“Mayroon pong Malasakit Center mismo sa PGH. Isa po ito sa unang nagkaroon ng Malasakit Center,” ani Go.

Ang isa pang itinaguyod niya ay ang pagtatayo ng isang halfway house para sa mga  nagbabantay ng pasyente sa PGH.

“‘Yung mga watchers po, napapansin ko nasa bangketa po, nasa sidewalk. Nagaantay habang tinatawag ‘yung pangalan ng kanilang pasyente. Kailangan din bigyan ng maayos at disenteng lugar ang mga watcher na nagsasakripisyo para sa kanilang mga mahal sa buhay,” ayon sa mambabatas. RNT