Home NATIONWIDE Bong Go: Dengue tumaas ng 78%, outbreak ibinabala ng DOH

Bong Go: Dengue tumaas ng 78%, outbreak ibinabala ng DOH

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa pambansa at lokal na mga awtoridad sa kalusugan na kumilos nang maaga kasunod ng babala ng Department of Health (DOH) sa posibleng dengue outbreak ngayong taon.

Ayon kay Go, iniulat ng DOH na tumaas nang 78% ang kaso ng dengue. Mahigit 76,000 kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Marso 15, higit sa 42,000 naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon, ang naitala.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang trend ay tumutugma sa cyclical outbreak pattern ng bansa, na sa kasaysayan ay umuulit tuwing tatlo hanggang limang taon, ang huli ay noong 2019.

“Wala nang dapat hintayin kapag ganito kataas na ang bilang ng kaso. Kailangang mabilis ang kilos at tutok sa mga lugar na matataas ang bilang ng dengue,” sabi ni Go sa pagsasabing kailangang paigtingin ang surveillance, public information drives, at barangay-level clean-up operations sa hotspot areas gaya ng Calabarzon, Metro Manila, at Central Luzon.

Bilang chairperson ng Senate committee on health, hinimok din ni Go ang DOH na paigtingin ang “5S” strategy—Search and destroy breeding sites, Secure self-protection measures, Seek early consultation, Support fogging or spraying in hotspot areas, and Sustain hydration—lalo na sa densely populated and flood-prone urban zones.

“Lahat tayo may papel—mula barangay hanggang sa mga ospital. Kapag may dengue outbreak, hindi lang katawan ang pinahihina, kundi buong sistema ng pangkalusugan natin ang apektado,” ang babala ng senador.

Sa kabila ng pagtaas ng mga impeksyon, nananatiling mababa ang fatality rate sa 0.41%, ayon sa datos ng DOH. Gayunpaman, iginiit ni Senator Go na ang mababang rate ng namamatay ay hindi dapat ikatuwa.

“Ang masakit dito, karamihan ng tinatamaan ay mga bata. Kaya ‘di puwedeng mag-relax. Dapat protektado ang bawat pamilya,” dagdag ng senador,

Ikinagalak ng senador ang nagpapatuloy na kampanya ng DOH sa buong bansa sa pagpigil sa dengue ngunit nanawagan ng mas malakas na koordinasyon sa mga lokal na yunit ng kalusugan upang matiyak ang pagpapatupad nito sa lahat ng rehiyon.

Sa papalapit na panahon ng dengue at ang mga pampublikong ospital ay naghahanda para sa panibagong pagdagsa ng pasyente, nangako si Senador Go na patuloy na isusulong ang pro-poor na mga patakarang pangkalusugan at palalakasin ang mga lokal na sistema sa kalusugan. RNT