Home NATIONWIDE Reporma at desperadong pagbabago ang dala ni SV sa Maynila

Reporma at desperadong pagbabago ang dala ni SV sa Maynila

Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines – AMINADO ang isa sa mga Mayoralty Candidate sa lungsod ng Maynila na inidolo nito ang dalawa nitong katunggali na dating magka-alyado na sina dating Mayor Isko Moreno Domagoso at Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Ito ang isiniwalat ni Tutok to Win partylist representative at ngayo’y tumatakbo bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Sam Versoza sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, kung saan sinabi nito kapwa magaling sa larangan ng serbisyo publiko ang kanyang mga katunggali ngunit dahil marami umano siyang nakikitang pagkukulang ay nagdesisyon itong labanan ang dalawang politiko na ang isa ay kasalukuyang naglilingkod at ang isa naman ay magbabalik sa Manila Cityhall.

Ayon kay Versoza, reporma, totoo at desperadong pagbabago ang dala nito sakaling mailuklok ng mga Manileño sa darating na May 12 elections .

Binigyang diin ni Verzosa na nais niyang mailatag ang Pro-Manileno at Pro-politiko na ang layunin ay puro pagtulong sa pagbabago ng buhay ng mga residente ng Maynila gayundin ang pagsulong sa mga magagandang proyekto na kanyang gagawin para sa mga batang Maynila.

Ayon sa negosyante, kapag nailatag na ang kanyang reporma ay may magandang susundan ang mga bagong henerasyon sakaling matapos ang kanyang termino o pamumuno.

Tiniyak din ni Versoza na hindi nito kailanman pag-iinteresan ang pera ng Manileño dahil katunayan aniya ay sarili niyang pera at gastos ang ginagamit niya ngayon sa kanyang pangangampanya.

Aniya, di tulad niya na maraming nang negosyo bago pumasok sa pulitika– karamihan sa mga pulitiko o pumapasok sa politika ay mahirap at yumaman na lamang at nagkanegosyo.

Ibinida pa ni Versoza na kinaya nitong iangat ang kanyang pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang mga negosyo kaya makakaya din umano nitong iangat ang antas ng pamumuhay sa Maynila sakaling siya ang manalo.

Sinabi pa ni Verzosa na gusto rin niyang tapusin ang mga trapo, korap sa Maynila para sa malinis, transparency at accountable na pamumuno sa lungsod.

Samantala, hindi naman alintana kay Versoza ang resulta sa pinakahuling Survey ng Octa research kung saan milya milya ang layo ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa kanila makaraang makakuha ito ng 67%, pumangalawa si Versoza na nakakuha ng 16% at pumangatlo ang kasalukuyang alkalde na si Dra. Honey Lacuna na nakakuha ng 15% dahil naniniwala si “SV” na ang totoong survey ay ang libo-libong tao na gusto ng pagbabago na aniya’y sumusuporta sa kanya partikular na kapag sila ay nagsasagawa ng pangangampanya sa Maynila. JR Reyes