MANILA, Philippines – Dahil sa kanyang walang tigil na paglilingkod sa mga Pilipino, pinarangalan muli bilang “Outstanding Senator” si Senator Christopher “Bong” Go sa 8th Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) Accredited National Convention of Public Attorneys Office noong Martes sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
“Sa lahat ng kawani ng Public Attorney’s Office, maraming, maraming salamat sa inyong serbisyo dahil kayo ang takbuhan ng ating mga mahihirap na kapwa Pilipino,” sabi ni Go sa kanyang talumpati.
“Isa sa mga opisinang nakalinya po sa aking advocacy ay ang Public Attorney’s Office. Alam nyo kung bakit? Kasi naniniwala ako na kayo po ang lapitan ng mga mahihirap. Tulad ng aking opisina, kayo po yung opisinang pwedeng lapitan ng mga helpless at hopeless,” dagdag niya.
Binanggit din ni Go, chairperson ng Senate committees on health, on sports, and on youth, ang kanyang mga pro-poor program na layong iangat ang buhay ng bawat Pilipino at ilapit ang serbisyo-publiko sa mga tao, lalo sa mahihirap.
“Tatlo po ang aking naging prayoridad bilang chairman ng committee on health. First, Malasakit Centers. Second, Super Health Centers. Third, Regional Specialty Centers,” aniya.
Sinimulan ni Go ang programang Malasakit Centers noong 2018 matapos masaksihan ang paghihirap ng mga Pilipino sa kanilang mga gastusin sa pagpapagamot. Ang programa, na itinatag noong 2019 sa ilalim ng Republic Act No. 11463, ay pangunahing inakda at itinataguyod ni Go. Mula nang mabuo, ang programa ay nakapagtatag na ng 166 Malasakit Centers sa buong bansa.
Iminungkahi rin niya ang pagtatatag ng mas maraming Super Health Center sa buong bansa upang mailapit ang pangunahing pangangalaga, mga medikal na konsultasyon at maagang pagtuklas ng sakit sa mga komunidad.
May temang “Ang Public Attorney’s Office sa Bagong Pilipinas: Nagbibigay ng Maaasahan, Agaran at Karampatang Ligal na Serbisyo sa Maralitang Pilipino Upang Isulong ang Karapatang Panlipunan,” si Go ay inimbitahan sa event bilang Guest of Honor at para personal na tanggapin ang award sa kanya na “Outstanding Senator.”
Dati na rin siyang hinirang na “Outstanding Senator” noong 5th National Convention of the Public Attorney’s Office Rank and File Employees noong 2023, sa 7th MCLE Accredited National Convention of Public Attorney’s Office Day noong Oktubre 2022, at sa 4th National Convention ng Public Attorney’s Office Rank at File Employees noong 2019.
“As public servants, it is our primary objective to secure the life, liberty, and welfare of our people…the same thing can be said about our legal system, about the justice system, (and health) pareho ang trabaho natin,” idiniin ni Go.
“Kung walang malalapitan ang mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong legal nandito po palagi ang ating Public Attorney’s Office…Kung may Malasakit Center sa health, may Public Attorney’s Office naman po ang ating mga kababayan na nangangailangan po ng tulong sa legal at sa hustisya po,” patuloy ng senador.
Kinilala ni Go ang kanyang mga kapwa lingkod-bayan, kabilang si PAO chief Atty. Persida Rueda-Acosta, PAO deputy chiefs Atty. Ana Soriano at Atty. Erwin Erfe, MD, at iba pa.
Ipinangako niya na patuloy na susuportahan ang kanilang mga pagsusumikap sa legal na propesyon at patuloy na isusulong ang mas mataas na pondo at mga resources para sa PAO upang mapabuti ang mga serbisyo nito. RNT