MANILA, Philippines- Personal na nakiisa si Senator Christopher “Bong” Go sa 10th Anniversary celebration ng Ugnayang Nagkakaisang Manggagawa (UNM), sa pangunguna ni President Donell John Siazon, sa University of Santo Tomas (UST) Hospital sa Lungsod ng Manila City na dinaluhan ng tinatayang 400 healthcare professionals, mga bisita at pinuno ng iba-ibang unyon ng mga manggagawang pangkalusugan.
Ang okasyon ay nagmarka sa isang dekadang dedikadong serbisyo ng UNM-USTH sa mga pasyente na lubos na pinasalamatan ng senador.
“Congratulations sa Ugnayan ng mga Nagkakaisang Manggagawa ng University of Sto. Tomas Hospital (UNM-USTH) sa inyong 10th Anniversary. Isang karangalan ang makasama kayo sa espesyal na araw na ito,” anang senador na tinaguriang Mr. Malasakit sa kanya ng talumpati.
“Nais ko kayong pasalamatan at bigyang-pugay sa inyong walang-sawang paglilingkod at pag-alaga sa mga pasyenteng Pilipino,” dagdag niya.
Espesyal din ang okasyon para sa senador dahil ang kanyang anak na babae ay kasalukuyang trainee sa Clinical Pathology Department ng UST Hospital.
Ang personal na koneksyong ito ay nagdagdag ng taos-pusong dimensyon sa kanyang address. Aniya, lubos niyang kinikilala ang papel ng institusyon sa pag-aalaga sa susunod na henerasyon ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.
“Your commitment to saving lives and taking care of patients is commendable. I encourage you to continue this noble mission, as your efforts make a significant impact on countless lives every day,” ani Go.
Binigyang-diin ni Go na patuloy siyang nagsisikap na palakasin ang sektor ng kalusugan sa Pilipinas at isulong ang kapakanan ng healthcare workers.
Inihain niya ang Senate Bill No. 427, na kilala bilang Barangay Health Workers Compensation Act, na layong bigyan ng mas magandang kompensasyon at benepisyo ang barangay health workers sa buong bansa.
Bukod dito, isa rin siya sa may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11712, ang Health Emergency Allowance Act, na magbibigay ng karagdagang pinansiyal na suporta sa mga manggagawang pangkalusugan sa panahon ng public health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Noong Hulyo 5 o mas maaga sa iskedyul, nagbunga ang patuloy at walang patid na pagsuporta ni Go sa health workers nang ihayag ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P27 bilyon para sa hindi pa nababayarang Health Emergency Allowances. Ang aksyon na ito ay umaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang isyu.
“Alam ko ang hirap na pinagdadaanan ng health workers sa bansa kaya naman muli kong ipinapaabot ang aking taus-pusong pasasalamat sa inyong lahat. Patuloy akong magbibigay ng suporta at tulong para sa mga health worker sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Go.
Sa kanyang pagbisita, nagbigay si Go ng mga gift pack at iba pang mga token sa mga health worker na naroroon. RNT