MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, na kailangang mapahusay at gawing madali ang pag-access ng mamamayan sa serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa bansa.
Ito’y kasunod ng huling inilabas na OCTA Research poll na ang kalusugan ang pinakapanguhing alalahanin ng mga Pilipino.
Sa Tugon ng Masa ng OCTA na isinagawa mula Disyembre 10 hanggang 14, lumitaw na 71 porsiyento ng respondent ang nagsabing prayoridad nila na manatiling malusog at huwag magkasakit. Mas mataas ito sa nakaraang survey.
Ayon kay Go, ang mabuting kalusugan ay susi upang ang mga Pilipino ay maging produktibo at idiniin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay.
“Our people’s health cannot take a backseat. This is not just about combating diseases but a holistic approach to ensuring every Filipino has access to medical services, adequate nutrition, and a healthy environment,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ng survey ang lumalaking alalahanin tungkol sa seguridad sa pagkain. May 50 porsiyento ng respondents ang nagsabing mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na pagkain araw-araw, isang kapansin-pansing pagtaas mula sa nakaraang poll.
Ang pagtaas ng alalahaning ito ay ayon din sa pagtaas ng pagkagutom na tumalon mula 10 porsiyento noong Oktubre 2023 hanggang 14 porsiyento noong Disyembre.
“Ang pagkakaroon ng sapat na pagkain at kalusugan ay magkaugnay na hamon na hindi natin maaaring pabayaan. Kailangan nating doblehin ang ating mga pagsisikap upang harapin ang mga hamong ito,” sabi ni Go.
Sa harap ng mga hamong ito, sinabi ni senador kung ano ang malagim na katotohanang kinakaharap ng maraming Pilipino.
Para sa hindi mabilang na mga pamilya, ang isang sakit ay maaaring humantong sa pagkawala ng kanilang mga inipon na pwera, pagsasangla o pagbebenta ng ari-arian.
May mga pagkakataon ding ang edukasyon ng mga bata ay naaapektuhan dahil mas pinipili nilang magtrabaho para makapag-ambag sa pamilya sa halip na ituloy ang kanilang pag-aaral.
Sa pagtugon sa malagim na sitwasyong ito, iniakda at inisponsoran ni Go ang Republic Act No. 11463, mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, na ngayo’y nagtataguyod sa patuloy na operasyon ng programa ng Malasakit Centers.
Ang Malasakit Centers ay tumutulong sa mga pasyente na mabawasan sa pinakamababang halaga ang gastusin nila sa ospital. Nagbibigay din ito ng maginhawang solusyon sa pagkuha ng mga tulong-medikal mula sa gobyerno.
Higit pa rito, isinulong din ni Go ang pagtatayo ng mga Super Health Centers upang mas mailapit ang pangangalaga sa kalusugan ng mahihirap, lalo ang mga nasa malalayong komunidad.
“Sa pamamagitan ng Malasakit Centers at Super Health Centers, nais nating pagaanin ang pasanin ng ating mga kababayan pagdating sa pagkuha ng serbisyong medikal. Nananatili ang aking layunin na palawakin ang mga serbisyong ito upang mas marami pang Pilipino ang makinabang,” anang senador.
Sinabi ni Go na ang pagtugon sa krisis sa kalusugan ay hindi lamang tungkol sa mga medikal na interbensyon. Kailangan din aniyang lumikha ng isang kapaligiran kung saan maaaring umunlad ang mga Pilipino. RNT