Home NATIONWIDE Bong Go nagdiwang ng kaarawan kasama mga batang may kanser

Bong Go nagdiwang ng kaarawan kasama mga batang may kanser

QUEZON CITY — Sa halip na magdiwang kasama ang mga kaibigan at kakilala, mas pinili ni Senator Christopher “Bong” Go na ipagdiwang ang kanyang ika-51 kaarawan sa piling ng mga batang may kanser sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) noong Hunyo 12, kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan.

Ayon sa senador, bahagi na ng kanyang tradisyon ang pagbisita sa mga batang pasyente ng PCMC tuwing nalalapit ang kanyang kaarawan — isang gawi na, aniya, kanyang minana mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Simula bata pa po ako, hindi po talaga ako nagbi-birthday party. Gusto ko po nasa bahay lang at magdasal. Kasi noong panahon ni Pangulong Duterte, hindi talaga siya nagpa-party. Kaya ako rin, nahiya naman po ako. Kung hindi siya nagpa-party, sino ba naman ako para mag-party?” pahayag ni Go.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Health at vice chair ng Committee on Finance simula pa noong 2019, binibigyang-prayoridad ni Go ang mga programang pangkalusugan — lalo na para sa kabataan.

Ayon sa kanya, ang taunang pagbisita sa PCMC ay hindi lamang para maghatid ng kasiyahan sa mga pasyente, kundi upang personal ding tukuyin ang mga pangangailangan ng ospital at kung paano pa niya ito matutulungan.

Ibinahagi ni Go na pitong taon na niyang ginagawa ang ganitong klaseng selebrasyon, mula nang una niyang makilala si John Paul Culiao, isang batang may kanser na naging malapit niyang kaibigan at inspirasyon.

“Napakaliit pa niya noon. Ngayon ay nagpatuli na si John Paul,” pabirong kwento ng senador.
“Mas lalong lumaki si John Paul ngayon. At cancer survivor na po siya. At marami rin po silang natutulungan.”

Si John Paul ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa para sa mga batang may sakit, at katuwang na rin ng senador sa kanyang mga outreach program.

Nagpahayag din si Go ng mensahe ng inspirasyon para sa mga batang may sakit at kanilang mga pamilya:

“Ang wish ko lang po ngayong araw na ito para sa mga bata — huwag po kayong mawawalan ng pag-asa. May Panginoon naman po. Ang hirap magkasakit, lalo na po sa mga magulang na may anak na may karamdaman. Pero katulad ni John Paul, habang may Panginoon, magtulungan lang tayo. Hindi Niya tayo pababayaan.”

Nagpasalamat si Go sa mga patuloy na sumusuporta sa PCMC at sa mga programang tumutulong sa mahihirap na pasyente gaya ng Malasakit Center. Kabilang sa kanyang pinasalamatan sina Dr. Rafael Fudullig, Senior House Officer ng PCMC; Emily Sanchez, head ng Malasakit Center; at Pilita Raga ng Touch of Love Foundation.

“Isa lang po ang pakiusap ko sa lahat ng nandirito sa ospital — huwag pong pabayaan ang ating mga kababayang mahihirap. Dapat po meron silang matakbuhan. Ang Malasakit Center, para po ‘yan sa Pilipino. Karapatan n’yo po ‘yan. Pera n’yo po ‘yan,” diin ni Go. RNT