MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga opisyal ng pamahalaan na unahin ang serbisyo sa mamamayan kaysa sa alitan sa pulitika kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa Polomolok, South Cotabato noong Hunyo 12.
Sa kanyang talumpati sa Polomolok Plaza, sinabi ni Go na ang mga ordinaryong Pilipino ang naaapektuhan kapag nalilihis ang atensyon ng mga lider dahil sa bangayan sa pulitika.
“Sana po’y matapos na po itong gulo, bangayan sa pulitika dahil tuwing may nag-aaway, tuwing magulo po ang ating bayan, ang nasasakripisyo po ang serbisyo sa mga mamamayang Pilipino,” ani Go.
Pinasalamatan ng senador ang mga residente sa patuloy na pagtitiwala sa kanya at iginiit na siya ang dapat magpasalamat dahil muli siyang nabigyan ng pagkakataong makapaglingkod.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang tulungan ang mga komunidad sa Mindanao na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol, partikular sa Sarangani at General Santos City.
Ayon kay Go, agad siyang nagtungo sa mga bayan ng Glan at Malapatan upang maghatid ng pagkain at pinansyal na ayuda sa mga biktima ng kalamidad.
“Noong isang araw, pumunta agad ako doon sa Glan. Ako ’yung unang nakapunta doon dahil sira pa ’yung tulay. Nagdala po ako ng pagkain at kaunting financial assistance sa kanila, pati sa Malapatan,” aniya.
Nanawagan din siya sa publiko na magdasal para sa mga naapektuhang pamilya at suportahan ang mga pagsisikap ng pamahalaan sa relief at rehabilitation efforts.
Pinasalamatan din ni Go ang mga health worker, kawani ng gobyerno at mga miyembro ng uniformed services dahil sa patuloy nilang paglilingkod sa gitna ng mga hamon.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, tinalakay rin niya ang mga programang kanyang isinulong gaya ng Malasakit Centers, Super Health Centers at Regional Specialty Centers upang mapalawak ang serbisyong pangkalusugan sa mga lalawigan.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ni Go ang publiko na patuloy na gumawa ng kabutihan habang may pagkakataon.
“Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano po ang kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito,” aniya.
“Ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ’yan sa Diyos,” dagdag pa ng senador.
Dumalo si Go bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, turnover ceremony ng bagong footbridge sa Polomolok at bumisita rin sa Polomolok General Hospital. RNT