Home NATIONWIDE Bong Go sa barangay leaders: Iparamdam ang malasakit

Bong Go sa barangay leaders: Iparamdam ang malasakit

MANILA, Philippines- Inimbitahan si Senator Christopher “Bong” Go bilang panauhing pandangal sa Liga ng mga Barangay – Negros Occidental Provincial Congress na ginanap sa Bai Hotel sa Mandaue City, Cebu noong Martes.

Nagtipon-tipon sa okasyon, sa pangunguna ni Negros Occidental LNB Provincial President Richard Julius Sablan, ang mga pinuno ng barangay mula sa buong lalawigan at naglatag ng plataporma para sa talakayan sa lokal na pamamahala at pagpapaunlad sa komunidad.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng mga pinuno ng barangay sa pagsasabing sila ang frontliners sa pagtugon sa mga concern ng Pilipino, partikular sa grassroots. 

“Kayo ang unang takbuhan ng ating mga kababayan. Ang inyong papel bilang mga barangay officials ay napakahalaga dahil kayo ang nagdadala ng gobyerno sa pinakamababang antas,” ani Go.

Pinuri niya ang mga opisyal ng barangay na naroroon at kinilala ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at pagkakaisa sa loob ng kani-kanilang komunidad. 

“Saludo po ako sa bawat isa sa inyo. Ang inyong sipag at tiyaga ay nagsisilbing inspirasyon sa marami. Patuloy ninyong ipakita at iparamdam ang malasakit sa inyong mga nasasakupan,” dagdag ni Go.

Tiniyak ng senator sa mga pinuno ng barangay ang kanyang walang patid na suporta, anuman ang kanilang mga titulo o posisyon. 

“Walang maliit o malaking posisyon. Ang mahalaga ay ang malasakit at serbisyo para sa kapwa. Ako po ay patuloy na sumusuporta sa inyo at magseserbisyo dahil yan ang aking bisyo,” sinabi ni Go.

Sinabi ni Go na mataas ang kanyang respeto sa barangay leaders dahil pareho lamang sila ng trabaho, ang magserbisyo. 

Bilang pagpapakita ng kanyang pagpapahalaga, nagbigay si Go ng mga token ng pagsuporta sa mga dumalo na opisyal ng barangay.

Nangako ang senador na patuloy niyang isusulong ang mga hakbang upang matiyak na ang mga barangay ay magkaroon ng resources na kailangan para iangat ang kanilang mga komunidad. 

Binanggit niya ang kanyang inihaing Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangays, na naglalayong igarantiya na ang mga opisyal ng barangay ay makatatanggap ng sapat na suporta, kabilang ang suweldo, allowance, at iba pang benepisyo para sa epektibong pamamahala kung ito ay maisasabatas. RNT